Awtoridad ng Diyos (I)
Ikaapat na bahagi
Hindi Mapipigilan ang Awtoridad ng Maylalang sa pamamagitan ng Oras, Espasyo, Heograpiya, at ang Awtoridad ng Maylalang ay Hindi Masusukat
Tingnan natin ang Genesis 22:17-18. Isa na naman itong talata na binigkas ng Diyos na si Jehovah, kung saan sinabi Niya kay Abraham, “Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway; At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagka’t sinunod mo ang aking tinig.” Maraming beses na biniyayaan ng Diyos na si Jehovah si Abraham na dadami ang kanyang mga anak—at hanggang saan ang dami nito? Binigkas sa Kasulatan kung hanggang saan: “gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat.” Ibig sabihin na nais ng Diyos na pagkalooban si Abraham ng mga supling na kasingdami ng mga bituin sa kalangitan, at kasingdami ng buhangin sa dalampasigan. Nagsalita ang Diyos gamit ang paglalarawan, at mula sa paglalarawang ito, hindi mahirap makita na hindi lamang ipagkakaloob ng Diyos ang isa, dalawa, o kahit libo-libong mga apo kay Abraham, ngunit hindi mabilang na numero, sapat para maging maraming bansa, dahil ipinangako ng Diyos kay Abraham na magiging ama siya ng maraming bansa. At pinagpasyahan ba ng tao ang numerong iyon, o pinagpasyahan ba ito ng Diyos? Kaya bang kontrolin ng tao kung ilan ang kanyang magiging apo? Nasa kanya ba ito? Ni wala sa kamay ng tao kung magkakaroon siya ng ilan o hindi, mas lalo na ang kasingdami ng “mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat.” Sino ba ang hindi nagnanais na ang kanilang mga inapo ay kasingdami ng mga bituin? Sa kasamaang palad, hindi nangyayari lahat ang mga bagay sa paraang gusto mo. Kahit gaano pa kadalubhasa o kagaling ang tao, hindi ito nakasalalay sa kanya; walang maaaring tumayo sa labas ng kung saan nagtalaga ang Diyos. Kung hanggang saan ka Niya hahayaan, ganoon lamang ang maaari mong makuha: Kapag kaunti ang ibinigay sa iyo ng Diyos, kung gayon hindi ka dapat magkakaroon ng marami kailanman, at kapag marami ang ibinigay ng Diyos, walang saysay na tanggihan mo kung gaano karami ang mayroon ka. Hindi ba ganito ang sitwasyon? Nakasalalay ang lahat ng ito sa Diyos, hindi sa tao! Pinamumunuan ng Diyos ang tao, at walang sinuman ang hindi kasali!