Maraming bagay ang inaasahan Kong makamit ninyo. Ngunit, ang inyong mga kilos at lahat ng inyong pamumuhay ay hindi lubusang makasunod sa Aking mga hinihingi, kaya wala Akong pagpipilian kundi ang diretsahin kayo at ipaliwanag ang Aking kalooban. Dahil mahina ang inyong pagkilala at ang inyong pagpapahalaga ay mahina rin, talagang halos wala kayong muwang sa Aking disposisyon maging sa Aking diwa, kung kaya ito ay isang mahalagang bagay na kailangan Kong ipagbigay-alam agad sa inyo. Gaano mo man naunawaan noong una o kahit ikaw man ay handang sumubok na unawain ang mga isyung ito, dapat Ko pa ring ipaliwanag ang mga ito sa inyo nang detalyado. Ang mga isyung ito ay hindi lubusang iba sa inyo, ngunit tila hindi ninyo naiintindihan o hindi kayo pamilyar sa kahulugang nakapaloob sa mga ito. Marami sa inyo ang may malabong kaunawaan, at higit dito, bahagya lamang at hindi kumpleto. Upang matulungan kayong maisagawa nang mas mabuti ang katotohanan, iyon ay, upang maisagawa ang Aking mga salita, iniisip Kong ang mga isyung ito ang dapat ninyong malaman muna. Kung hindi, mananatiling malabo ang inyong pananampalataya, mapagpaimbabaw, at puno ng mga patibong ng relihiyon. Kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, kung gayon magiging imposible para sa iyo na gampanan ang gawain na dapat mong gawin para sa Kanya. Kung hindi mo alam ang diwa ng Diyos, magiging imposible para sa iyo na magpakita sa Kanya ng pagpipitagan at pagkatakot, pero sa halip tanging walang pakundangang pagwawalang-bahala at paglihis, at bukod diyan, hindi na maiwawastong paglapastangan. Bagama’t ang pag-intindi sa disposisyon ng Diyos ay tunay na mahalaga at ang pag-alam sa diwa ng Diyos ay hindi dapat maliitin, walang sinuman ang kailanman ay lubusang nakapagsuri o nakapagsiyasat na sa mga isyung ito. Malinaw na binalewala ninyong lahat ang mga kautusang administratibo na ipinahayag Ko. Kung hindi ninyo naiintindihan ang disposisyon ng Diyos, madali ninyong malalabag ang Kanyang disposisyon. Ang ganitong paglabag ay katumbas ng pagpapagalit sa Diyos Mismo, at ang katapusang bunga ng iyong kilos ay nagiging isang pagsalangsang laban sa mga kautusang administratibo. Ngayon dapat mong malaman na ang pag-intindi sa disposisyon ng Diyos ay may kasamang pag-alam sa Kanyang diwa, at kasama sa pag-intindi sa disposisyon ng Diyos ay ang pag-intindi sa mga kautusang administratibo. Sigurado, marami sa mga kautusang administratibo ay may kinalaman sa disposisyon ng Diyos, ngunit ang Kanyang disposisyon ay hindi pa naipapahayag sa kabuuan nito sa loob ng mga ito. Kaya kailangan ninyong humakbang pa patungo sa pagpapaunlad ng inyong kaunawaan ng disposisyon ng Diyos.
Pag-bigkas ng Diyos | Napakahalaga na Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos
Nangungusap Ako sa inyo ngayon hindi tulad ng sa ordinaryong pakikipag-usap, kaya kailangan ninyong tratuhin ang Aking mga salita nang may pag-iingat at, bukod diyan, pagnilay-nilayin ninyo ang mga ito nang malalim. Ang ibig Kong sabihin dito ay kakaunting pagsisikap ang inyong inilaan sa mga salitang sinabi Ko. Pagdating sa disposisyon ng Diyos, kulang ang inyong kahandaang magbulay nang seryoso sa isyung ito, at bihirang may taong magbigay ng pagsisikap para dito. Dahil dito sinasabi Ko na ang inyong pananampalataya ay isa lamang hambog na paraan ng pananalita. Kahit ngayon, walang isa man sa inyo ang nag-ukol ng seryosong pagsisikap sa inyong pinaka-mahalagang kahinaan. Binigo ninyo Ako pagtapos ng lahat ng pagpapakasakit Ko para sa inyo. Hindi katakataka na wala kayong pakundangan sa Diyos at namumuhay kayo nang walang katotohanan. Paano maituturing na mga banal ang mga ito? Hindi pahihintulutan ng batas ng Langit ang ganyang bagay! Yamang kakaunti ang kaunawaan ninyo tungkol dito, wala Akong pagpipilian kundi ang gumugol ng mas marami pang hininga.
Ang disposisyon ng Diyos ay isang paksa na tila napakahirap unawain ng lahat at bukod diyan isang hindi madaling tanggapin ng lahat, sapagkat ang Kanyang disposisyon ay hindi tulad ng personalidad ng isang tao. Ang Diyos din ay may Kanyang sariling mga damdamin ng galak, galit, pighati, at saya, ngunit ang mga damdaming ito ay kakaiba mula sa tao. Ang Diyos ay kung ano Siya at nasa Kanya ang anong nasa Kanya. Lahat ng Kanyang ipinapahayag at isinisiwalat ay mga kumakatawan sa Kanyang diwa at sa Kanyang pagkakakilanlan. Kung ano Siya at anong nasa Kanya, maging ang Kanyang diwa at pagkakakilanlan, ay mga bagay na hindi maaaring mapalitan ng sinumang tao. Sakop ng Kanyang disposisyon ang pag-ibig Niya para sa sangkatauhan, kaginhawaan ng sangkatauhan, pagkamuhi ng sangkatauhan, at higit pa rito, ang ganap na kaunawaan ng sangkatauhan. Subalit, ang personalidad ng tao ay maaaring puno ng pag-asa, masigla, o walang pakiramdam. Ang disposisyon ng Diyos ay taglay ng Tagapamahala ng lahat ng mga nabubuhay na nilalang sa gitna ng mga bagay, sa Panginoon ng lahat ng sangnilikha. Ang Kanyang disposisyon ay kumakatawan sa karangalan, kapangyarihan, kamahalan, kadakilaan, at higit sa lahat, pagiging nakahihigit sa lahat. Ang Kanyang disposisyon ang simbolo ng awtoridad, ang simbolo ng lahat ng matuwid, ang simbolo ng lahat ng maganda at mabuti. Higit pa rito, ito ang simbolo Niya na hindi maaaring[a] magapi o masakop ng kadiliman at anumang puwersa ng kaaway, at gayon din simbolo Niya na hindi maaaring masaktan (at hindi rin Niya pahihintulutang masaktan Siya)[b] ng sinumang buhay na nilikha. Ang Kanyang disposisyon ay ang simbolo ng pinaka-mataas na kapangyarihan. Walang tao o mga taong makakakaya o makagagawang gumambala sa Kanyang gawain o Kanyang disposisyon. Ngunit ang personalidad ng tao ay walang iba maliban sa simbolo lamang ng bahagyang kahigitan nito sa hayop. Ang tao sa kanyang loob at sa kanyang sarili ay walang awtoridad, walang awtonomiya, at walang abilidad na lampasan ang sarili, ngunit sa kanyang diwa ay isang yumuyuko sa ganap na kapangyarihan ng lahat ng uri ng tao, mga pangyayari, at mga bagay. Ang kagalakan ng Diyos ay dahil sa pag-iral at pag-usbong ng pagkamatuwid at liwanag; dahil sa pagkawasak ng kadiliman at kasamaan. Natutuwa Siya dahil naghatid Siya ng liwanag at mabuting buhay sa sangkatauhan; ang Kanyang kagalakan ay isang matuwid na kagalakan, isang simbolo ng pag-iral ng lahat na positibo at, higit pa, isang simbolo ng kaginhawahan. Ang galit ng Diyos ay dahil sa pag-iral ng kawalan ng katarungan at ang pagkagambala na sanhi nito na nakakasira sa sangkatauhan; dahil sa pag-iral ng kasamaan at kadiliman, dahil sa pag-iral ng mga bagay na nagtataboy sa katotohanan, at higit dito dahil sa pag-iral ng mga bagay na kumakalaban sa anong mabuti at maganda. Ang galit Niya ay simbolo ng lahat ng mga bagay na negatibo na hindi na umiiral, at higit pa, isang simbolo ng Kanyang kabanalan. Ang Kanyang kapighatian ay dahil sa sangkatauhan, na Kanyang inasahan ngunit nahulog sa kadiliman, dahil ang gawain na Kanyang ginawa sa tao ay hindi nakaabot sa Kanyang mga inaasahan, at dahil ang sangkatauhang minamahal Niya ay hindi lahat makapamuhay sa liwanag. Nakakaramdam Siya ng pighati para sa inosenteng sangkatauhan, para sa tapat ngunit ignoranteng tao, at para sa taong mabuti ngunit nagkukulang sa kanyang sariling pananaw. Ang Kanyang pighati ay isang simbolo ng Kanyang kabutihan at ng Kanyang kahabagan, isang simbolo ng kagandahan at kabutihan. Siyempre, ang Kanyang kasiyahan ay nagmumula sa pagdaig sa Kanyang mga kaaway at pagkamit ng mabuting pananampalataya ng tao. Bukod dito, nanggagaling din ito mula sa pagpapalayas at pagkawasak ng lahat ng puwersa ng kaaway, at dahil ang sangkatauhan ay tumatanggap ng mabuti at payapang buhay. Ang kasiyahan ng Diyos ay hindi tulad ng kagalakan ng tao; sa halip, ito ay ang pakiramdam ng pag-ani ng magagandang bunga, isang pakiramdam na mas higit pa sa kagalakan. Ang kasiyahan Niya ay simbolo ng kalayaan ng sangkatauhan sa pagdurusa mula sa oras na ito, at isang simbolo ng pagpasok ng sangkatauhan sa mundo ng liwanag. Ang mga damdamin ng sangkatauhan, sa kabilang banda, ay lahat para sa kanyang sariling kapakanan, hindi para sa pagkamatuwid, liwanag, o anumang maganda, at lalong hindi para sa biyayang kaloob ng Langit. Ang mga damdamin ng sangkatauhan ay makasarili at kabilang sa mundo ng kadiliman. Hindi sila umiiral para sa kapakanan ng kalooban, lalong hindi para sa plano ng Diyos, kaya ang tao at Diyos ay hindi maaaring sabihing magkapareho. Ang Diyos ay magpakailanman higit sa lahat at kailanman ay kagalang-galang, samantalang ang tao ay magpakailanmang mababang uri, magpakailanman walang halaga. Ito ay dahil ang Diyos ay magpakailanman gumagawa ng mga sakripisyo at naglalaan ng Kanyang sarili para sa sangkatauhan; subalit ang tao ay magpakailanman nangunguha at nagsisikap para sa kanyang sarili. Ang Diyos ay magpakailanman nagpapakasakit para sa kaligtasan ng sangkatauhan, ngunit ang tao ay hindi kailanman nag-ambag ng anumang bagay para sa kapakanan ng liwanag o para sa pagkamatuwid. Kahit na ang tao ay magsikap sa loob ng ilang panahon, napakahina nito na hindi nito makakayang matagalan ang isang hampas, dahil ang pagsisikap ng tao ay palaging para sa kanyang sariling kapakanan at hindi para sa iba. Ang tao ay palaging makasarili, samantalang ang Diyos ay magpakailanmang hindi makasarili. Ang Diyos ang pinagmulan ng lahat ng makatarungan, mabuti, at maganda, habang ang tao ay siyang nagtatagumpay sa at nagpapakita ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang diwa ng Kanyang pagkamatuwid at kagandahan, ngunit ang tao ay ganap na may kakayahan, sa anumang oras at anumang sitwasyon, na ipagkanulo ang pagkamatuwid at lumayo sa Diyos.
Bawat pangungusap na sinabi Ko ay naglalaman sa loob nito ng disposisyon ng Diyos. Makakabuti sa inyo na magbulay nang masusi sa mga salita Ko, at tiyak na pakikinabangan ninyo ang mga ito. Napakahirap maunawaan ang diwa ng Diyos, pero nagtitiwala Ako na lahat kayo kahit paano ay may ilang ideya tungkol sa disposisyon ng Diyos. Umaasa Ako, kung gayon, na magpapakita kayo sa Akin at gagawa ng mga bagay na hindi nakakasakit sa disposisyon ng Diyos. Saka lamang ako mapapanatag. Halimbawa, ilagay mo ang Diyos sa puso mo sa lahat ng panahon. Kapag kumilos ka, gawin mo ito ayon sa Kanyang mga salita. Hanapin mo ang lahat ng mga intensyon Niya sa lahat ng bagay, at tumigil ka sa paggawa ng mga bagay na hindi nagbibigay-galang at hindi nagpaparangal sa Diyos. Lalong hindi mo dapat ilagay ang Diyos sa likod ng iyong isip para punuan ang hinaharap na kahungkagan sa iyong puso. Kung gagawin mo ito, masasaktan mo ang disposisyon ng Diyos. Muli, ipagpalagay mong hindi ka kailanman nagsabi ng mga pahayag ng kalapastanganan sa Diyos o reklamo laban sa Diyos sa buong buhay mo, at muli, ipagpalagay nating nagawa mong ganapin nang maayos ang lahat ng ipinagkatiwala Niya sa iyo at nagpasakop ka sa lahat ng mga salita Niya sa buong buhay mo, kaya matagumpay mong naiwasang lumabag sa mga kautusang administratibo. Halimbawa, kung kailanman ay nasabi mong, “Bakit hindi ko naisip na Siya ay Diyos?” “Sa tingin ko ang mga salitang ito ay walang iba kundi pagliliwanag ng Banal na Espiritu,” “Sa aking palagay, hindi lahat ng ginagawa ng Diyos ay laging tama,” “Ang pagkatao ng Diyos ay hindi higit sa akin,” “Ang mga salita ng Diyos ay talagang hindi kapani-paniwala,” o iba pang tulad nitong mapanghusgang mga pahayag, kung gayon hinihikayat kitang magkumpisal at magsisi sa iyong mga kasalanan nang mas madalas. Kung hindi, hindi ka magkakaroon ng pagkakataon sa kapatawaran, dahil hindi mo nasaktan ang tao, kundi ang Diyos Mismo. Maaari mong paniwalaan na nanghuhusga ka sa tao, pero ang Espiritu ng Diyos ay hindi ganyan ang tingin. Ang hindi mo pagbibigay-galang sa Kanyang laman ay katumbas ng hindi mo pagbibigay-galang sa Kanya. Sa ganitong kalagayan, hindi mo ba nasaktan ang disposisyon ng Diyos? Dapat mong alalahanin na ang lahat ng ginawa ng Espiritu ng Diyos ay ginawa upang ingatan ang Kanyang gawain sa laman at upang ang gawaing ito ay magawa nang maayos. Kung pababayaan mo ito, sinasabi Ko sa iyo na ikaw ay taong hindi kailanman magtatagumpay sa paniniwala sa Diyos. Dahil pinukaw mo ang poot ng Diyos, gagamit Siya ng nababagay na kaparusahan para turuan ka ng leksyon.
Ang pag-alam sa diwa ng Diyos ay hindi isang maliit na bagay. Dapat mong unawain ang Kanyang disposisyon. Sa ganitong paraan, dahan-dahan at hindi mo namamalayan, malalaman mo ang diwa ng Diyos. Kapag nakapasok ka sa ganitong kaaalaman, matatagpuan mo ang sarili mo na tumatapak sa mas mataas at mas magandang estado. Sa huli, makakaramdam ka ng hiya sa iyong napakasamang kaluluwa, kaya nga mararamdaman mo na wala nang lugar na mapagtataguan ka. Sa sandaling iyon, mababawasan nang mababawasan sa iyong asal ang nakakasakit ng disposisyon ng Diyos, ang puso mo ay mapapalapit nang mapapalapit sa Diyos, at unti-unti isang pag-ibig para sa Kanya ang uusbong sa puso mo. Ito ay senyales ng pagpasok ng sangkatauhan sa isang magandang estado. Ngunit hindi pa ninyo ito nakakamit. Habang paroo’t parito kayo para sa kapakanan ng inyong hantungan, sino ang magnanais na sumubok na kilalanin ang diwa ng Diyos? Kung magpapatuloy man ito, hindi ninyo mamamalayang lumalabag kayo sa mga kautusang administratibo, dahil lubhang kakaunti ang naiintindihan ninyo sa disposisyon ng Diyos. Kaya hindi ba na ang ginagawa ninyo ngayon ay paglalatag ng pundasyon para sa paglabag sa disposisyon ng Diyos? Ang hinihiling Kong unawawin ninyo ang disposisyon ng Diyos ay hindi taliwas sa Aking gawain. Dahil kapag lumabag kayo nang madalas sa kautusang administratibo, kung gayon sino sa inyo ang makatatakas sa kaparusahan? Ang gawain Ko ba ay hindi lubusang nasayang? Kaya, hinihingi Ko pa rin na, bukod sa pagsusuri sa inyong asal, maging maingat din kayo sa inyong mga hakbang. Ito ang mas malaking hinihingi Ko sa inyo, at inaasahan Ko na maingat ninyong isasaalang-alang ito at bibigyan ito ng taimtim na pagpapahalaga. Dumating man ang araw na ang mga kilos ninyo ay magtutulak sa Akin sa masidhing galit, kung gayon, ang mga kahihinatnan nito ay sa inyo lamang para isaalang-alang, at walang ibang magbabata ng kaparusahan para sa inyo.