Awtoridad ng Diyos (I)
Ikaapat na bahagi
Hindi Mapipigilan ang Awtoridad ng Maylalang sa pamamagitan ng Oras, Espasyo, Heograpiya, at ang Awtoridad ng Maylalang ay Hindi Masusukat
Tingnan natin ang Genesis 22:17-18. Isa na naman itong talata na binigkas ng Diyos na si Jehovah, kung saan sinabi Niya kay Abraham, “Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway; At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagka’t sinunod mo ang aking tinig.” Maraming beses na biniyayaan ng Diyos na si Jehovah si Abraham na dadami ang kanyang mga anak—at hanggang saan ang dami nito? Binigkas sa Kasulatan kung hanggang saan: “gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat.” Ibig sabihin na nais ng Diyos na pagkalooban si Abraham ng mga supling na kasingdami ng mga bituin sa kalangitan, at kasingdami ng buhangin sa dalampasigan. Nagsalita ang Diyos gamit ang paglalarawan, at mula sa paglalarawang ito, hindi mahirap makita na hindi lamang ipagkakaloob ng Diyos ang isa, dalawa, o kahit libo-libong mga apo kay Abraham, ngunit hindi mabilang na numero, sapat para maging maraming bansa, dahil ipinangako ng Diyos kay Abraham na magiging ama siya ng maraming bansa. At pinagpasyahan ba ng tao ang numerong iyon, o pinagpasyahan ba ito ng Diyos? Kaya bang kontrolin ng tao kung ilan ang kanyang magiging apo? Nasa kanya ba ito? Ni wala sa kamay ng tao kung magkakaroon siya ng ilan o hindi, mas lalo na ang kasingdami ng “mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat.” Sino ba ang hindi nagnanais na ang kanilang mga inapo ay kasingdami ng mga bituin? Sa kasamaang palad, hindi nangyayari lahat ang mga bagay sa paraang gusto mo. Kahit gaano pa kadalubhasa o kagaling ang tao, hindi ito nakasalalay sa kanya; walang maaaring tumayo sa labas ng kung saan nagtalaga ang Diyos. Kung hanggang saan ka Niya hahayaan, ganoon lamang ang maaari mong makuha: Kapag kaunti ang ibinigay sa iyo ng Diyos, kung gayon hindi ka dapat magkakaroon ng marami kailanman, at kapag marami ang ibinigay ng Diyos, walang saysay na tanggihan mo kung gaano karami ang mayroon ka. Hindi ba ganito ang sitwasyon? Nakasalalay ang lahat ng ito sa Diyos, hindi sa tao! Pinamumunuan ng Diyos ang tao, at walang sinuman ang hindi kasali!
Nang sinabi ng Diyos “pararamihin ko ang iyong binhi,” ito ang kasunduang itinatag ng Diyos kay Abraham, at tulad ng kasunduan ng bahaghari, matutupad ito magpakailanman, at maging ang pangako rin na ginawa ng Diyos kay Abraham. Tanging Diyos lamang ang kwalipikado at may kakayahang tuparin ang pangakong ito. Kahit pa paniwalaan man ito ng tao o hindi, kahit pa tanggapin man ito ng tao o hindi, at kahit paano pa ito tingnan ng tao, at kung paano niya ito pahalagahan, matutupad ang lahat ng ito, nang eksakto, ayon sa mga salitang binigkas ng Diyos. Hindi mababago ang mga salita ng Diyos dahil sa mga pagbabago sa kagustuhan o mga pag-unawa ng tao, at hindi mababago ng mga pagbabago sa anumang tao, bagay o paksa. Maaaring mawala ang lahat ng mga bagay, ngunit mananatili ang mga salita ng Diyos magpakailanman. Sa kabilang dako, ang araw na mawawala ang lahat ng mga bagay ay ang mismong araw kung saan ang mga salita ng Diyos ay lubos na matutupad, dahil Siya ang Maylalang, at taglay Niya ang awtoridad ng Maylalang, at ang kapangyarihan ng Maylalang, at kontrolado Niya ang lahat ng mga bagay at ng lahat ng puwersa ng buhay; Kaya Niyang magdulot ng isang bagay na magmula sa wala, o mawala ang isang bagay, at kontrolado Niya ang pagbabagong anyo ng lahat ng bagay mula sa buhay hanggang sa kamatayan, at kaya para sa Diyos, walang mas papayak sa pagpaparami ng anak ng isang tao. Mukha itong hindi kapani-paniwala sa tao, parang isang kwentong pambata, ngunit sa Diyos, ang Kanyang pinagpasyahang gawin, at mga ipinangangakong gagawin, ay hindi isang hindi kapani-paniwala, ni isang kwentong pambata. Sa halip ito ay katunayang nakita na ng Diyos, at kung saan tiyak na matutupad. Pinahahalagahan niyo ba ito? Pinatunayan ba ng mga katotohanan na napakarami ang mga apo ni Abraham? At gaano nga ba karami? Sindami ng “mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat” na sinabi ng Diyos? Kumalat ba sila sa lahat ng mga bansa at rehiyon, sa bawat lugar sa mundo? At ano ang tumupad sa mga katotohanang ito? Natupad ba ito sa pamamagitan ng awtoridad ng mga salita ng Diyos? Sa ilang daan o libong taon matapos binigkas ang mga salita ng Diyos, patuloy na natutupad ang mga salita ng Diyos, at patuloy na nagiging mga katotohanan; ito ang kapangyarihan ng mga salita ng Diyos, at katibayan ng awtoridad ng Diyos. Nang nilikha ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa simula, sinabi ng Diyos na magkaroon ng liwanag, at nagkaroon ng liwanag. Mabilis na nangyari ito, natupad sa napakaikling panahon, at walang pagkakaantala sa paggawa at katuparan nito; agaran ang mga bisa ng mga salita ng Diyos. Parehong pagpapakita ng awtoridad ng Diyos, ngunit nang biniyayaan ng Diyos si Abraham, hinayaan Niyang makita ng tao ang iba pang bahagi ng diwa ng awtoridad ng Diyos, at hinayaan ang tao na makita ang di matantiyang awtoridad ng Maylalang, at higit pa rito, hinayaan ang tao na makita pa ang mas totoo, mas magarang bahagi ng awtoridad ng Maylalang.
Kapag ang mga salita ng Diyos ay nabigkas na, pinatatakbo na ng awtoridad ng Diyos ang gawaing ito, at ang katotohanang ipinangako ng bibig ng Diyos ay unti-unting nagsisimula na maging realidad. Sa lahat ng mga bagay, nagsisimula na ang pagbabago sa lahat ng bagay bilang resulta, tulad kung paano, sa pagdating ng tagsibol, nagiging berde ang damo, namumukadkad ang mga bulaklak, lumalabas ang mga usbong sa mga puno, nagsisimulang kumanta ang mga ibon, at bumabalik ang mga gansa, at napupuno ng tao ang mga parang…. Sa pagdating ng tagsibol ang lahat ng mga bagay ay nanumbalik, at ito ang mapaghimalang gawa ng Maylalang. Kapag tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako, nanunumbalik at nagbabago ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa ayon sa kaisipan ng Diyos—at walang hindi kasali. Kapag nabigkas na ang kasunduan o pangako mula sa bibig ng Diyos, nabibigyang katuparan nito ang lahat ng mga bagay, at ginagabayan para sa katuparan nito, at binuo at inayos ang lahat ng mga nilalang sa ilalim ng dominyon ng Maylalang, at ganapin ang kani-kanilang mga papel, at gawin ang kani-kanilang mga tungkulin. Ito ang pagpapahayag ng awtoridad ng Maylalang. Ano ang nakikita mo rito? Paano mo malalaman ang awtoridad ng Diyos? May lawak ba ang awtoridad ng Diyos? May limitasyon ba ito sa oras? Maaari bang sabihin kung ito ay nasa partikular na taas, o nasa partikular na haba? Maaari bang sabihin kung ito ay nasa partikular na sukat o lakas? Maaari ba itong sukatin batay sa laki ng tao? Hindi patay-sindi ang awtoridad ng Diyos, hindi pabalik-balik, at walang sinuman ang maaaring makasukat kung gaano kadakila ang Kanyang awtoridad. Kahit pa gaano katagal ang oras na lumilipas, kapag biniyayaan ng Diyos ang isang tao, magpapatuloy ang biyayang ito, at ang pagpapatuloy nito ay magdadala ng katibayan sa hindi matantyang awtoridad ng Diyos, at hahayaan ang sangkatauhang makita ang muling paglitaw ng hindi mawala-walang puwersa ng buhay ng Maylalang, sa paulit-ulit na panahon. Ang bawat pagpapakita ng Kanyang awtoridad ay isang perpektong pagpapakita ng mga salita mula sa Kanyang bibig, at nakikita sa lahat ng mga bagay, at maging sa sangkatauhan. Bukod pa rito, ang lahat ng mga bagay na tinupad ng Kanyang awtoridad ay malayong hindi maihahambing, at ipinahahayag nang walang kapintasan. Maaaring sabihing ang Kanyang kaisipan, ang Kanyang mga salita, ang Kanyang awtoridad, at ang lahat ng mga gawang Kanyang tinupad ay isang larawang hindi maaaring maihambing sa kagandahan, at para sa mga nilalang, ang lenguwahe ng sangkatauhan ay walang kakayahang sabihin nang malinaw ang kabuluhan at kahalagahan nito. Kapag nangako ang Diyos sa isang tao, kung saan man sila nakatira, o kung ano man ang kanilang ginagawa, ang dati nilang nakaraan o matapos nilang matanggap ang pangako, o kung gaano man katindi ang mga kaguluhan sa paligid ng kanilang tinitirhan—ang lahat ng ito ay kasing pamilyar sa Diyos tulad ng likod ng Kanyang kamay. Kahit pa gaano katagal na panahon ang lumipas matapos bigkasin ang mga salita ng Diyos, para sa Kanya, parang kabibigkas lamang ng mga ito. Ibig sabihin na may kapangyarihan ang Diyos, at may naturang awtoridad, at kaya Niyang subaybayan, kontrolin, at mapagtanto ang bawat pangako na Kanyang ginawa sa sangkatauhan, at kahit ano pa man ang pangakong iyon, kahit pa gaano katagal na ganap na matupad ang mga ito, at, higit pa rito, kahit pa gaano kalawak ang saklaw na tatamaan ng katuparang iyon—halimbawa, oras, heograpiya, lahi, at iba pa—matutupad ang pangakong ito, at magaganap, at, bukod pa rito, hindi nangangailangan na kumilos ni katiting ang Diyos para sa katuparan at pagganap nito. At ano ang pinatutunayan nito? Na ang lawak ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay sapat upang kontrolin ang buong kalawakan, at ang buong sangkatauhan. Ginawa ng Diyos ang liwanag, ngunit hindi ibig sabihin na liwanag lamang ang pamamahalaan ng Diyos, o tubig lamang ang Kanyang pamamahalaan dahil nilikha Niya ang tubig, at hindi na kaugnay sa Diyos ang lahat ng iba pa. Hindi ba ito maling kaunawaan? Kahit na unti-unting nawala sa alaala ng tao ang pagpapala ng Diyos kay Abraham matapos ang ilang daang taon, para sa Diyos, nananatiling pareho pa rin ang pangakong ito. Nasa proseso pa rin ito ng pagpapatupad, at hindi kailanman huminto. Hindi kailanman nalaman o narinig ng tao kung paano ginamit ng Diyos ang Kanyang awtoridad, kung paano inayos at hinanda ang lahat ng mga bagay, at gaano karaming magagandang kwento ang nangyari sa lahat ng mga bagay sa paglikha ng Diyos sa mga panahong ito, ngunit ang bawat nakakamanghang piraso ng pagpapakita ng awtoridad ng Diyos at ang pagpapahayag ng Kanyang mga gawa ay ipinasa at dinakila ng lahat ng mga bagay, ipinakita at binigkas ng lahat ng mga bagay ang mahimalang mga gawa ng Maylalang, at ang bawat pinakasasabi-sabing kwento ng kapangyarihang mangibabaw ng Maylalang sa lahat ng mga bagay ay magpakailanmang ipapahayag ng lahat ng mga bagay. Ang awtoridad kung saan pinaghaharian ng Diyos ang lahat ng mga bagay, at ang kapangyarihan ng Diyos, ay nagpakita sa lahat ng mga bagay na ang Diyos ay nasa lahat ng lugar at sa lahat ng oras. Kapag nasaksihan mo na nasa lahat ng lugar ang presensya ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, makikita mo na nasa lahat ng lugar ang Diyos at nasa lahat ng oras. Hindi limitado ng oras, heograpiya, espasyo, o sinumang tao, paksa o bagay ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Lampas sa imahinasyon ng tao ang lawak ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos; hindi ito maarok ng tao, di kaya ng imahinasyon ng tao, at kailanman hindi lubusang malalaman ng tao.
Gusto ng ibang tao na magpalagay at maglarawan sa isipan, ngunit gaano kalayo ang kayang maabot ng imahinasyon ng tao? Kakayanin ba nitong lagpasan ang mundo? Kaya ba ng tao na ipalagay at ilarawan sa isip ang pagiging tunay at katiyakan ng awtoridad ng Diyos? Kaya ba ng pagpapalagay at imahinasyon ng tao na magkaroon siya ng kaalaman sa awtoridad ng Diyos? Kaya ba nilang gawing tunay na magpahalaga at magpasakop ang tao sa awtoridad ng Diyos? Pinatutunayan ng katotohanan na ang pagpapalagay at imahinasyon ng tao ay produkto lamang ng talino ng tao, at hindi nagbibigay ng kaunting tulong o benepisyo sa kaalaman ng tao sa awtoridad ng Diyos. Matapos magbasa ng mga kathambuhay sa agham, kayang ilarawan sa isip ng ilan ang buwan, at kung ano ang itsura ng mga bituin. Ngunit hindi nangangahulugan ito na ang tao ay may anumang kaunawaan sa awtoridad ng Diyos. Ang imahinasyon ng tao ay isa lamang: kathang-isip. Sa mga katotohanan sa mga bagay na ito, ibig sabihin, ang kanilang pagkakaugnay sa awtoridad ng Diyos, ay wala talagang pinanghahawakan. Ano naman ngayon kung nakapunta ka na sa buwan? Ipinakikita ba nito na mayroon ka nang iba’t-ibang sukat ng kaunawaan sa awtoridad ng Diyos? Ipinakikita ba nito na kaya mo nang ilarawan sa isip ang lawak ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos? Dahil walang kakayahan ang pagpapalagay at imahinasyon ng tao para hayaan siyang makilala ang awtoridad ng Diyos, ano ang dapat gawin ng tao? Ang pinakamatalinong opsyon ay ang hindi magpalagay o maglarawan sa isip, ibig sabihin na di dapat kailanman umasa ang tao sa imahinasyon at dumepende sa pagpapalagay pagdating sa pagkilala sa awtoridad ng Diyos. Ano ba ang nais kong sabihin sa inyo rito? Ang kaalaman sa awtoridad ng Diyos, kapangyarihan ng Diyos, sariling pagkakakilanlan ng Diyos, at diwa ng Diyos ay hindi maaaring makamit sa pamamagitan ng pagtitiwala sa iyong imahinasyon. Dahil hindi ka maaaring magtiwala sa imahinasyon para makilala ang awtoridad ng Diyos, kung gayon, sa anong paraan mo makakamit ang tunay na kaalaman sa awtoridad ng Diyos? Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos, sa pamamagitan ng pagsasamahan, at sa pamamagitan ng karanasan sa mga salita ng Diyos, magkakaroon ka ng unti-unting karanasan at pagpapatunay sa awtoridad ng Diyos at sa gayon makakukuha ka ng dahan-dahang kaunawaan at unti-unting kaalaman dito. Ito lamang ang tanging paraan para makamit ang kaalaman sa awtoridad ng Diyos; walang mga madaliang paraan. Ang paghingi sa inyo na huwag ilarawan sa isip ay hindi pareho sa pagpapaupo sa inyo na walang ginagawa at maghihintay ng kapahamakan, o pagpigil sa inyo para gawin ang anumang bagay. Ang hindi paggamit ng iyong utak para mag-isip at maglarawan sa isip ay nangangahulugang hindi paggamit ng pangangatwiran para magpalagay, hindi paggamit ng kaalaman para suriing mabuti, hindi paggamit sa siyensya bilang basehan, ngunit sa halip ay pagpapahalaga, pagbeberipika, at pagkumpirma na ang Diyos na iyong pinaniniwalaan ay may awtoridad, kinukumpirma na may hawak Siyang kapangyarihang naghahari sa iyong kapalaran, at sa lahat ng oras ang Kanyang kapangyarihan ay nagpapatunay sa Kanya na Siya ang tunay na Diyos Mismo, sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, sa pamamagitan ng katotohanan, sa pamamagitan ng lahat ng bagay na iyong kinahaharap sa buhay. Ito ang tanging paraan para makamit ng sinuman ang pagka-unawa sa Diyos. Sabi ng ilan na kanilang ninanais na makahanap ng simpleng paraan para makamit ang layuning ito, ngunit may maisip ba kayong naturang paraan? Sinasabi ko sa iyo, hindi na kailangang mag-isip: Walang ibang paraan! Ang tanging paraan ay matapat at totoong kilalanin at beripikahin kung ano ang mayroon sa Diyos at ano Siya sa pamamagitan ng bawat salita na Kanyang ipinahahayag at sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ito ang tanging paraan para makilala ang Diyos. Dahil kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, at lahat ng bagay ng Diyos, ay hindi hangin na walang laman at walang kahulugan—ngunit tunay.
Ang Katotohanan ng Kontrol at Kapangyarihan ng Maylalang sa Lahat ng mga Bagay at mga Buhay na Nilalang ay Naghahayag ng Tunay na Pag-iral ng Awtoridad ng Maylalang
Gayun din, nakatala ang pagpapala ni Jehovah sa Libro ng Job. Ano ang ipinagkaloob ng Diyos kay Job? “Sa gayo’y pinagpala ng Panginoon, ang huling katapusan ni Job na higit sa kaniyang pasimula: at siya’y nagkaroon ng labing apat na libong tupa, at anim na libong kamelyo, at isang libong tuwang na baka, at isang libong asnong babae” (Job 42:12). Mula sa pananaw ng tao, ano ang mga bagay na ito na ibinigay kay Job? Mga ari-arian ba iyon ng tao? Sa mga ari-ariang ito, naging napakayaman na ba si Job sa panahon na iyon? At paano niya nakuha ang mga naturang ari-arian? Saan nanggaling ang kanyang kayamanan? Kahit hindi sabihin, salamat sa biyaya ng Diyos kaya natamo ni Job ang mga iyon. Kung paano tiningnan ni Job ang mga ari-ariang ito, at kung paano niya itinuring ang mga biyaya ng Diyos, ay hindi isang bagay na ating tatalakayin dito. Pagdating sa mga biyaya ng Diyos, hinahangad ng lahat ng tao, sa araw at gabi, na pagpalain ng Diyos, ngunit walang kontrol ang tao sa kung gaano karaming mga ari-arian ang kaya niyang makuha sa panahon ng kanyang buhay, o kung makatatanggap ba siya o hindi ng biyaya mula sa Diyos—at hindi kaduda-duda ang katotohanang ito! May awtoridad ang Diyos, at may kapangyarihan para magkaloob ng anumang ari-arian sa tao, para hayaan ang taong magkaroon ng anumang basbas, ngunit may prinsipyo sa mga pagpapala ng Diyos. Anong uri ng mga tao ang binibiyayaan ng Diyos? Siyempre, iyong mga taong gusto Niya! Parehong pinagpala ng Diyos sina Abraham at Job, ngunit hindi pareho ang mga biyaya na kanilang natanggap. Biniyayaan ng Diyos si Abraham ng mga inapo na kasingdami ng buhangin at bituin. Nang biniyayaan ng Diyos si Abraham, ginawa Niya ang mga inapo ng isang tao, isang bansa, na maging makapangyarihan at masagana. Dito, pinagharian ng awtoridad ng Diyos ang sangkatauhan, na huminga ng hininga ng Diyos sa lahat ng mga bagay at buhay na mga nilalang. Sa ilalim ng pangingibabaw ng kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos, lumaganap ang sangkatauhang ito at umiral nang mabilis, at sa loob ng saklaw, na pinagpasyahan ng Diyos. Lalo na, ang posibilidad na pagtagal ng bansang ito, antas ng paglaki, at haba ng buhay ay bahagi lahat ng mga pagtatakda ng Diyos, at ganap na nakabase ang lahat ng prinsipyong ito sa pangakong ginawa ng Diyos kay Abraham. Ibig sabihin na, kahit ano pa ang mga pangyayari, patuloy ang mga pangako ng Diyos nang walang balakid at mangyayari ito sa ilalim ng kalinga ng awtoridad ng Diyos. Sa pangakong ginawa ng Diyos kay Abraham, kahit ano pa ang mga kaguluhan ng mundo, kahit ano pa ang edad, kahit ano pa ang mga pinagdaanang sakuna ng sangkatauhan, hindi haharapin ng mga inapo ni Abraham ang panganib ng pagkalipol, at hindi mamamatay ang kanilang bansa. Ang pagpapala ng Diyos kay Job, gayon man, ay lubos na nagpayaman sa kanya. Kung ano ang ibinigay ng Diyos sa kanya ay ang sunod-sunod na buhay, humihingang mga nilalang, ang mga detalye kung saan—ang kanilang bilang, kanilang bilis ng pagrami, antas ng pagkabuhay, ang dami ng taba na nasa kanila, at iba pa—ay kontrolado rin ng Diyos. Kahit na walang taglay na kakayahan ang mga buhay na nilalang para magsalita, bahagi rin sila ng pagtatakda ng Maylalang, at ang prinsipyo ng kaayusan ng Diyos ay ayon sa biyaya na ipinangako ng Diyos kay Job. Sa mga biyayang ibinigay ng Diyos kina Abraham at Job, bagama’t magkaiba ang ipinangako, pareho ang awtoridad kung saan pinagharian ng Maylalang ang lahat ng mga bagay at mga buhay na nilalang. Ipinahayag sa Kanyang iba’t-ibang mga pangako at mga biyaya kina Abraham at Job ang bawat detalye ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, at muling ipinakita sa sangkatauhan na higit na malayo sa imahinasyon ng tao ang awtoridad ng Diyos. Muling sinasabi ng mga detalyeng ito sa sangkatauhan na kung gusto niyang makilala ang awtoridad ng Diyos, samakatuwid ito’y maaari lamang makamit sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at sa pamamagitan ng gawa ng Diyos.
Hinahayaan ng awtoridad ng pangingibabaw ng Diyos sa lahat ng mga bagay na makita ng tao ang isang katotohanan: Hindi lamang kumakatawan ang awtoridad ng Diyos sa mga salitang “At sinabi ng Diyos, Magkaroon ng liwanag, at nagkaroon ng liwanag, at, Magkaroon ng kalawakan, at nagkaroon ng kalawakan, at, Magkaroon ng lupa, at nagkaroon ng lupa,” ngunit, higit pa rito, kung paano Niya ipinagpatuloy ang liwanag, pinigilang mawala ang kalawakan, at ginawa na magpakailanmang hiwalay ang lupa mula sa tubig, gayun din ang mga detalye kung paano Niya pinagharian at pinangasiwaan ang mga nilalang: liwanag, kalawakan, at lupa. Ano pa ang nakikita ninyo sa pagpapala ng Diyos sa sangkatauhan? Malinaw na, matapos biyayaan ng Diyos sina Abraham at Job, hindi huminto ang mga yapak ng paa ng Diyos, dahil nagsisimula pa lang Siyang gumamit ng Kanyang awtoridad, at hinayaan Niya na gawing reyalidad ang bawat isa sa Kanyang mga salita, at gawing totoo ang bawat detalye ng Kanyang binigkas, at kaya, sa mga dumating na taon, ipinagpatuloy Niya ang lahat ng bagay na Kanyang binalak gawin. Dahil may awtoridad ang Diyos, marahil sa paningin ng tao ay nagsasalita lamang ang Diyos, at hindi kailangang itaas ang isang daliri para matupad ang lahat ng usapin at mga bagay. Ang pag-iisip ng ganoon, ay medyo, katawa-tawa! Kung kukunin mo lamang ang isang bahagi ng pananaw sa pagtatatag ng Diyos ng kasunduan sa tao gamit ang mga salita, at ang mga katuparan ng Diyos sa lahat ng bagay gamit ang mga salita, at hindi mo nakikita ang ilang mga tanda at mga katotohanan na ang awtoridad ng Diyos ay may dominyon sa pag-iral ng lahat ng mga bagay, kung gayon ang iyong kaunawaan sa awtoridad ng Diyos ay walang laman at katawa-tawa! Kung iniisip ng tao na ganoon ang Diyos, kung gayon, kailangang sabihin na, ang kaalaman ng tao sa Diyos ay umabot na sa hangganan, at wala ng pupuntahan, dahil ang Diyos na iniisip ng tao ay isa lamang makina na nagbababa ng mga kautusan, at hindi ang Diyos na nagtataglay ng awtoridad. Ano ang nakita mo sa pamamagitan ng mga halimbawa nina Abraham at Job? Nakita mo ba ang totoong bahagi ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos? Matapos biyayaan ng Diyos sina Abraham at Job, hindi nanatili ang Diyos kung nasaan Siya, ni hindi Niya inutusan ang Kanyang mga mensahero habang naghihintay para makita kung ano ang kalalabasan nito. Sa kabilang banda, sa oras na bigkasin ng Diyos ang Kanyang mga salita, sa ilalim ng gabay ng awtoridad ng Diyos, nagsisimulang sumunod ang lahat ng mga bagay sa gawain na plinanong gawin ng Diyos, at nakahanda na doon ang mga tao, bagay, at paksa na kinailangan ng Diyos. Ibig sabihin na, sa oras na binigkas na ang mga salita mula sa bibig ng Diyos, gumagalaw na ang awtoridad ng Diyos sa buong kalupaan, at nagtakda na Siya ng landas para matupad at makamit ang mga pangakong ginawa Niya kina Abraham at Job, habang ginagawa rin ang naaangkop na mga plano at mga paghahanda para sa lahat na kailangan para sa bawat hakbang at bawat pangunahing yugto ng plano Niyang gawin. Sa panahong ito, hindi lang ginagabayan ng Diyos ang Kanyang mga mensahero, kundi ang lahat din ng mga bagay na nilikha Niya. Ibig sabihin na ang sakop ng awtoridad ng Diyos ay hindi lang kasama ang mga mensahero, ngunit, higit pa rito, sa lahat ng mga bagay, kung saan ginabayan para makasunod sa gawa ng Kanyang plinanong matupad; ito ang mga partikular na paraan kung saan ginamit ang awtoridad ng Diyos. Sa inyong pag-iisip, maaaring magkaroon ang iba ng mga sumusunod na kaunawaan sa awtoridad ng Diyos: May awtoridad ang Diyos, at may kapangyarihan ang Diyos, at kaya kailangan lamang manatili ang Diyos sa pangatlong kalangitan, o kailangan lang manatili sa isang lugar, at di kailangang gumawa ng anumang partikular na gawain, at naganap sa loob ng Kanyang kaisipan ang kabuuan ng gawain ng Diyos. Maaaring paniwalaan din ng ilan na, bagama’t biniyayaan ng Diyos si Abraham, hindi kailangang gumawa ng anumang bagay ang Diyos, at sapat na sa Kanya na bigkasin lamang ang Kanyang mga salita. Ito ba talaga ang tunay na nangyari? Malinaw na hindi! Bagama’t may taglay ang Diyos na awtoridad at kapangyarihan, tunay at totoo ang Kanyang awtoridad, hindi hungkag. Dahan-dahang nabunyag ang paggiging totoo at reyalidad ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos at kumakatawan sa Kanyang paglikha sa lahat ng mga bagay, at kumukontrol sa lahat ng mga bagay, at sa proseso kung saan pinangungunahan at pinamamahalaan Niya ang sangkatauhan. Ang bawat paraan, bawat pananaw, at bawat detalye ng kapangyarihang mangibabaw ng Diyos sa sangkatauhan at sa lahat ng mga bagay, at lahat ng gawa na Kanyang natupad, gayun din ang Kanyang kaunawaan sa lahat ng mga bagay—literal na nagpapatunay ang lahat ng iyon na hindi hungkag ang mga salita ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Ipinapakita at patuloy na ibinubunyag ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan, at sa lahat ng mga bagay. Nagsasabi ang mga pagsasagawa at pagbubunyag na ito na tunay ang pag-iral ng awtoridad ng Diyos, dahil ginagamit Niya ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan para ipagpatuloy ang Kanyang gawain, at para utusan ang lahat ng mga bagay, at para pagharian ang lahat ng mga bagay sa bawat sandali, at hindi maaaring palitan ng mga anghel, o ng mga mensahero ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad. Pinagpasyahan ng Diyos kung anong mga biyaya ang Kanyang ipagkakaloob kina Abraham at Job—desisyon ito ng Diyos. Kahit pa personal na bumisita ang mga mensahero ng Diyos kina Abraham at Job, naaayon ang kanilang mga kilos sa mga kautusan ng Diyos, at sa ilalim ng awtoridad ng Diyos, at nasa ilalim din sila ng kapangyarihan ng Diyos. Bagama’t nakita ng tao ang mga mensahero ng Diyos na binisita si Abraham, at hindi personal na nasaksihan si Jehovah na Diyos na gumawa ng anumang bagay sa mga tala sa Biblia, sa katunayan, ang Nag-iisa na tunay na gumamit ng kapangyarihan at awtoridad ay ang Diyos Mismo, at nagdadala ito ng kawalan ng pagdududa sa sinumang tao! Bagama’t nakita mo na may taglay ang mga anghel at mga mensahero na matinding kapangyarihan, at nakagawa ng mga himala, o nagawa nila ang ilang mga bagay na inutos ng Diyos, ang mga pagkilos nila ay para lang sa pagkatupad ng utos ng Diyos, at ang mga ito ay walang dudang hindi pagpapakita ng awtoridad ng Diyos—dahil walang tao o bagay ang mayroon, o nagtataglay, ng awtoridad ng Maylalang para lumikha ng lahat ng mga bagay at pagharian ang lahat ng mga bagay. At kaya walang tao o bagay ang maaaring gumamit o magpakita ng awtoridad ng Maylalang.
Di-Nagbabago at Di-Nasasaktan ang Awtoridad ng Maylalang
Ano ang nakita ninyo sa tatlong bahagi ng kasulatang ito? Nakita ba ninyo na may prinsipyo ang paggamit ng Diyos sa Kanyang awtoridad? Halimbawa, gumamit ang Diyos ng bahaghari para itatag ang kasunduan sa tao, kung saan nilagay Niya ang bahaghari sa kaulapan para sabihin sa tao na hindi Niya na kailanman gagamitin ang baha para sirain ang mundo. Pareho pa rin ba ang nakikita ng mga tao na bahaghari ngayon mula sa ipinahayag mula sa bibig ng Diyos? Nagbago ba ang kalikasan at kahulugan nito? Walang duda, hindi ito nagbago. Ginamit ng Diyos ang Kanyang awtoridad para isakatuparan ang pagkilos na ito, at nagpatuloy hanggang ngayon ang kasunduan na Kanyang itinatag sa tao, at ang oras kung saan mababago ang kasunduang ito, ay siyempre, nasa Diyos. Matapos sabihin ng Diyos “ang aking bahaghari ay inilagay ko sa alapaap,” laging sumusunod ang Diyos sa kasunduang ito, hanggang sa araw na ito. Ano ang nakikita mo rito? Bagama’t nagtataglay ang Diyos ng awtoridad at kapangyarihan, napakahigpit Niya at maprinsipyo sa Kanyang mga gawain, at nananatiling totoo sa Kanyang salita. Ang pagiging mahigpit Niya, at ang mga prinsipyo ng Kanyang mga pagkilos, ay nagpapakita sa katangian ng Maylalang na di maaaring saktan at di-malalampasan ang awtoridad ng Maylalang. Kahit na nagtataglay Siya ng kataas-taasang awtoridad, at lahat ng mga bagay ay nasa ilalim ng Kanyang dominyon, at kahit na may kapangyarihan Siya na pagharian ang lahat ng mga bagay, di kailanman sinira o inantala ng Diyos ang Kanyang sariling plano, at sa bawat oras na Kanyang ginagamit ang Kanyang awtoridad, ito ay mahigpit na naaayon sa Kanyang sariling mga prinsipyo, at tiyak na sumusunod sa kung ano ang binigkas mula sa Kanyang bibig, at sumusunod sa mga hakbang at layunin ng Kanyang plano. Hindi na kailangan pang sabihin, ang lahat ng mga bagay na pinaghaharian ng Diyos ay sumusunod din sa mga prinsipyo kung saan ginagamit ang awtoridad ng Diyos, at walang tao o bagay ang hindi kasali mula sa kaayusan ng Kanyang awtoridad, ni hindi nila kayang baguhin ang mga prinsipyo kung saan ginagamit ang Kanyang awtoridad. Sa mga mata ng Diyos, nakatanggap ang mga biniyayaan ng magandang kapalaran na dala ng Kanyang awtoridad, at nakatanggap ng kaparusahan ang mga isinumpa dahil sa awtoridad ng Diyos. Sa ilalim ng kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos, walang tao o bagay ang hindi kasali mula sa paggamit ng Kanyang awtoridad, ni hindi nila kayang baguhin ang mga prinsipyo kung saan ginagamit ang Kanyang awtoridad. Ang awtoridad ng Maylalang ay hindi nabago ng mga pagbabago sa anumang dahilan, at gayun din, hindi nagbabago sa anumang dahilan ang mga prinsipyo kung saan ang Kanyang awtoridad ay ginagamit. Maaaring sumailalim sa napakalaking pagbabago ang langit at lupa, ngunit ang awtoridad ng Maylalang ay hindi magbabago; mawala man ang lahat ng mga bagay, ngunit di kailanman mawawala ang awtoridad ng Maylalang. Ito ang diwa ng di-nagbabago at di-nasasaktan na awtoridad ng Maylalang, at ito mismo ang pagiging natatangi ng Maylalang!
Mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Rekomendasyon:
Paghahanap sa mga yapak ng Diyos—Ang Kidlat ng Silanganan
Alamin pa ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos
Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay itinatag ng personal na bumalik na Panginoong Jesus sa mga huling araw