Ang kakayahang maipaliwanang nang tahasan ang mga salita ng Diyos ay hindi nangangahulugan na taglay mo ang katotohanan—ang mga bagay ay hindi kasing-simple ng iyong iniisip. Taglay mo man ang katotohanan o hindi, hindi ito nakabatay sa kung ano ang iyong sasabihin, sa halip, ito ay nakabatay sa iyong isinasabuhay. Kapag naging buhay at likas na pagpapahayag mo ang mga salita ng Diyos, ito lamang ang naituturing na realidad, at ito lamang ang naituturing na pagkamit mo ng pagkaunawa at tunay na tayog.
Kailangan mong makayanan ang pagsusuri sa mahabang panahon, at kailangan mong maisabuhay ang wangis na hinihingi sa iyo ng Diyos; hindi ito dapat na sa anyo lamang, ngunit kailangan itong likas na dumaloy palabas sa iyo. Sa gayon ka lamang tunay na magkakaroon ng realidad, at sa gayon mo lamang makakamit ang buhay. Hayaan Akong gamitin ang halimbawa ng mga taga-serbisyo na kabisado ng lahat. Maaring magsalita ang sinuman tungkol sa matatayog na mga teorya tungkol sa mga taga-serbisyo; lahat kayo ay mayroong isang marangal na antas ng pagkaunawa tungkol sa bagay na ito, at ang bawat isa sa inyo ay mas mahusay sa pagsasalita tungkol sa paksang ito kaysa sa mga nauna, na para bang ito ay isang paligsahan. Gayunman, kung hindi sumailalim ang tao sa isang malaking pagsubok, mahirap sabihin na mayroon siyang mabuting patotoo. Sa madaling sabi, ang pagsasabuhay ng tao ay napakakulang pa rin, at ito ay hindi naaayon sa kanyang pagkaunawa. Kung gayon, hindi pa ito nagiging totoong tayog ng tao, at hindi pa ito buhay ng tao. Sapagkat ang pagkaunawa ng tao ay hindi pa nadadala sa realidad, ang kanyang tayog ay gaya pa rin ng isang kastilyo na itinayo sa buhangin, nagbabalanse at nasa bingit ng pagguho. Ang tao ay mayroong napakaliit ng realidad—halos imposible na makahanap ng anumang realidad sa tao. Masyadong maliit ang realidad na likas na dumadaloy mula sa tao at ang lahat ng katotohanan sa kanyang buhay ay ipinilit, kaya Aking sinasabi na walang taglay na realidad ang tao. Huwag masyadong magtiwala sa mga tao sa pagsasabing hindi kailanman nagbabago ang kanilang pag-ibig sa Diyos—ito lamang ang kanilang sinasabi bago sila nahaharap sa mga pagsubok. Sa sandaling bigla silang humarap sa mga pagsubok, ang mga bagay na sinasabi nila ay minsan pang magiging hindi ayon sa realidad, at minsan pa itong magpapatunay na walang taglay na realidad ang tao. Maaaring sabihin na tuwing nahaharap ka sa mga bagay na hindi akma sa iyong mga paniwala at kinakailangan na isantabi mo ang iyong sarili, ito ang iyong mga pagsubok. Bago maihayag ang kalooban ng Diyos, may isang mahigpit na pagsubok para sa bawat tao, isang napakalaking pagsubok para sa lahat—nakikita mo ba ang bagay na ito nang malinaw? Kapag gusto ng Diyos na subukin ang mga tao, palagi Niya silang hinahayaang pumili bago ibunyag ang katotohanan ng mga katunayan. Ibig sabihin, kapag sinusubok ka ng Diyos, hindi Niya kailanman sasabihin sa iyo ang katotohanan, at sa ganyan maaaring mabunyag ang mga tao. Isang paraan ito ng pagsagawa ng Diyos sa Kanyang gawain, upang makita kung naiintindihan mo ang Diyos sa kasalukuyan, at upang makita kung nagtataglay ka ng anumang realidad. Wala ka ba talagang pag-aalinlangan tungkol sa gawain ng Diyos? Magagawa mo bang manatiling matatag kapag dumating ang isang matinding pagsubok sa iyo? Sino ang mangangahas na magsabi ng mga salita na gaya ng “Tinitiyak ko na walang magiging mga suliranin”? Sino ang mangangahas na magsabi ng mga salita na gaya ng “Ang iba marahil ay may mga pag-aalinlangan, ngunit hindi ako kailanman mag-aalinlangan”? Kagaya lang ng mga panahon nang si Pedro ay sinusubok—palaging nagmamapuri bago pa mahayag ang mga katotohanan. Ito ay hindi isang pansariling kapintasan na tanging kay Pedro; ito ang pinakamalaking suliraning kinakaharap ng bawat tao sa ngayon. Kung ako ay bibisita sa ilang mga lugar, o kung dadalaw ako sa ilang mga kapatid, upang tingnan ang inyong pagkaunawa sa gawain ng Diyos sa kasalukuyan, tiyak na makapagsasalita kayo nang marami ukol sa inyong mga pagkaunawa, at lilitaw na wala kayong anumang pag-aaalinlangan. Kung tatanungin ko kayo: “Maaari mo kaya talagang malaman na ang gawain sa kasalukuyan ay isinasagawa ng Diyos Mismo? Nang walang anumang pag-aalinlangan?” tiyak na sasagot ka na: “Walang anumang pag-aalinlangan, ito ang gawain na isinasagawa ng Espiritu ng Diyos.” Sa sandaling sumagot ka sa gayong paraan, tiyak na hindi ka magkakaroon ni katiting ng pagdududa at maaari pa ngang makadama ka ng malaking kagalakan—maaaring madama mo na nakapagkamit ka ng kaunting realidad. Yaong mga maaaring makaunawa ng mga bagay sa ganitong paraan ay yaong nagtataglay ng kaunting realidad; habang lalong iniisip ng isa na nakamit niya ito, lalong mas hindi siya makapaninindigan sa mga pagsubok. Kaawa-awa ang mga hambog at palalo, at kaawa-awa ang mga walang kaalaman sa kanilang mga sarili. Ang gayong mga tao ang pinakamahusay sa pagsasalita ngunit sila ang pinakamalala sa kanilang mga pagkilos. Kapag mayroong pinakamaliit na tanda ng ligalig, ang mga taong ito ay magsisimulang magkaroon ng mga pag-aalinlangan at sumasagi sa kanilang isip ang ukol sa pagsuko. Wala silang taglay na anumang realidad, ang tanging mayroon sila ay mga teorya na mas matayog kaysa doon sa mga relihiyon, walang anuman sa mga realidad na hinihingi ng Diyos ngayon. Pinakanayayamot Ako sa mga nagsasalita lamang ukol sa mga teorya at walang taglay na realidad. Sila ang may pinakamalakas na mga hiyaw kapag ginagawa ang kanilang gawain, ngunit natutumba sila sa sandaling nahaharap sa realidad. Hindi ba nito ipinakikita na walang realidad ang mga taong ito? Gaano man kabagsik ang hangin at mga alon, kung makapananatili kang nakatayo nang walang anumang pagsagi ng pag-aalinlangan sa iyong isipan, at makapananatili kang matatag at wala sa kalagayan ng pagtanggi kahit wala nang natirang iba, kung gayon naituturing ito na pagkakaroon mo ng tunay na pagkaunawa at tunay na pagtataglay mo ng realidad. Kung susundan mo saanman patungo ang ihip ng hangin, kung susundan mo ang karamihan at matutuhang sabihin ang sinasabi ng iba, gaano mo man kahusay sabihin ang gayong mga bagay, hindi ito katibayan na taglay mo ang realidad. Kung gayon, ipinapayo Ko sa iyo na huwag sumigaw ng mga walang lamang salita nang wala sa panahon. Alam mo ba ang gawain na isasagawa ng Diyos? Huwag kang kumilos gaya ng isa pang Pedro kung hindi ay magdudulot ka ng kahihiyan sa iyong sarili at hindi mo na maitataas ang iyong ulo—hindi ito magdudulot ng anumang kabutihan kaninuman. Karamihan sa mga tao ay walang totoong tayog. Nakapagsagawa na ang Diyos ng maraming gawain ngunit Niya dinala ang realidad sa mga tao; upang mas maging eksakto, hindi pa kailanman personal na kinastigo ng Diyos ang sinuman. Kaya, ang ilan sa kanila ay inihayag ng gayong mga pagsubok, sa kanilang mga galamay ng kasalanan na gumagapang palayo nang palayo, iniisip na maaari nilang ituring ang Diyos sa isang basta-basta na lang na paraan, at ginagawa ang anuman na maibigan nila. Yamang ni hindi sila makapanindigan sa ganitong uri ng pagsubok, ang lalong mapaghamong mga pagsubok ay hindi mangyayari, at ang realidad ay hindi rin mangyayari. Hindi ba ito panlilinlang sa Diyos? Ang pagkakaroon ng realidad ay hindi isang bagay na madadaya, at hindi rin ito isang bagay na makakamit mo mula sa iyong kaalaman tungkol rito. Ito ay batay sa iyong totoong tayog, at ito ay nakabatay sa kung magagawa mong matagalan ang lahat ng mga pagsubok. Naiintindihan mo na ba ngayon?
Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay hindi ang basta makapagsalita lamang tungkol sa katotohanan. Hindi ba yan masyadong madali? Bakit nagsasalita ang Diyos kung gayon tungkol sa pagpasok sa buhay? Bakit Siya nagsasalita tungkol sa pagbabago? Kung ang isang tao ay makapagsasalita lamang ng mga salitang walang kabuluhan ukol sa realidad, makakamit ba ang pagbabago sa disposisyon? Ang pagsasanay sa isang mabuting hukbo ng kaharian ay hindi kagaya ng pagsasanay sa mga tao na nakapagsasalita lamang tungkol sa realidad o mga taong nagmamapuri lamang, ngunit pagsasanay ito sa mga taong maaaring isabuhay ang mga salita ng Diyos sa lahat ng panahon, mga hindi sumusuko maging anumang mga dagok ang kanilang kinakaharap, at nabubuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos sa lahat ng panahon, at hindi bumabalik sa mundo.more-->Ito ang realidad na sinasabi ng Diyos, at ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kung gayon, huwag ituring ang realidad na sinalita ng Diyos nang ganoon lamang. Ang simpleng pagliliwanag ng Banal na Espiritu ay hindi kapantay ng pagtataglay ng realidad: Hindi ito ang tayog ng mga tao, kundi ang biyaya ng Diyos, at wala itong kasangkot na anumang mga nagawa ng mga tao. Kailangang tiisin ng bawat tao ang mga pagdurusa ni Pedro, at higit na lalong taglayin ang kaluwalhatian ni Pedro, na siyang isinasabuhay ng mga tao pagkatapos nilang matamo ang gawain ng Diyos. Ito lamang ang maaaring tawagin na realidad. Huwag mong iisipin na magtatamo ka ng realidad sapagkat kaya mong magsalita tungkol sa realidad. Isa itong kamalian, hindi ito akma sa kalooban ng Diyos, at wala itong totoong kabuluhan. Huwag kang magsalita ng gayong mga bagay sa hinaharap—patayin ang gayong mga kasabihan! Lahat ng nagtataglay ng maling pagkaunawa ukol sa mga salita ng Diyos ay mga hindi mananampalataya. Wala silang anumang totoong kaalaman, lalo na ang anumang totoong tayog; mga taong mangmang sila na walang realidad. Iyon ay, lahat ng nabubuhay sa labas ng diwa ng mga salita ng Diyos ay mga hindi mananampalataya. Yaong mga itinuturing na hindi mananampalataya ng mga tao ay mga hayop sa mga mata ng Diyos, at yaong mga ibinibilang na mga hindi mananampalataya ng Diyos ay yaong mga walang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay. Kung gayon, yaong mga hindi tinataglay ang realidad ng mga salita ng Diyos at bigong maisabuhay ang mga salita ng Diyos ay mga hindi mananampalataya. Ang layunin ng Diyos ay gawin ito upang maisabuhay ng lahat ang realidad ng mga salita ng Diyos. Hindi lang basta nakapagsasalita ang lahat tungkol sa realidad, ngunit mas mahalaga pa, na naisasabuhay ng lahat ang realidad ng mga salita ng Diyos. Ang realidad na nakikita ng tao ay masyadong mababaw, wala itong halaga, hindi nito matutupad ang kalooban ng Diyos, masyado itong mababa, ni hindi ito karapat-dapat banggitin, masyado itong kulang, at masyado itong malayo mula sa pamantayan ng mga kahilingan ng Diyos. Ang bawat isa sa inyo ay sasailalim sa isang napakalaking pagsisiyasat upang makita kung sino sa inyo ang alam lamang ang magsalita tungkol sa inyong pagkaunawa ngunit hindi kayang ituro ang landas, at upang makita kung sino sa inyo ang walang kabuluhang basura. Tandaan ito sa hinaharap! Huwag magsalita tungkol sa hungkag na mga pagkaunawa—magsalita lamang tungkol sa landas ng pagsasagawa, at tungkol sa realidad. Lumipat mula sa totoong kaalaman patungo sa totoong pagsasagawa, at pagkatapos ay lumipat mula sa pagsasagawa patungo sa pagsasabuhay ng realidad. Huwag pangaralan ang iba, huwag magsalita tungkol sa totoong kaalaman. Kung ang iyong pagkaunawa ay isang landas, kung gayon ay maaari mo itong pakawalan; kung hindi ito isang landas, kung gayon pakiusap tumahimik ka, at tumigil sa pagsasalita. Ang iyong sinasabi ay walang saysay—ilang mga salita lamang ng pagkaunawa upang linlangin ang Diyos at upang kainggitan ka ng iba. Hindi ba iyon ang iyong pangarap? Hindi ba ito sadyang pakikipaglaro sa iba? Mayroon bang anumang kabuluhan dito? Magsalita lamang tungkol sa pagkaunawa pagkatapos mo itong maranasan, at sa gayon ay hindi ka na nagmamapuri. Kung hindi ay isang tao ka lamang na nagsasabi ng palalong mga salita. Ni hindi mo napagtatagumpayan ang maraming mga bagay o nalalaban ang iyong sariling laman sa iyong aktwal na karanasan, palaging ginagawa ang anumang idinidiktang gawin ng iyong mga pagnanasa, hindi pinalulugdan ang kalooban ng Diyos, ngunit mayroon ka pa ring lakas ng loob na magsalita tungkol sa mga teoryang pagkaunawa—wala kang hiya! Mayroon ka pa ring lakas ng loob na magsalita tungkol sa iyong pagkaunawa sa mga salita ng Diyos—wala ka talagang pakundangan! Ang gayong pagyayabang at paghahambog ay naging kalikasan mo na, at nakasanayan mo nang gawin ang mga ito. Nasa dulo ito ng iyong mga daliri sa tuwing gustuhin mong magsalita, ginagawa mo ito nang mahusay at walang hirap, at nagpapakalabis ka sa mga palamuti pagdating sa pagsasagawa. Hindi ba ito panlilinlang sa iba? Malilinlang mo man ang mga tao, ngunit hindi maaaring linlangin ang Diyos. Hindi alam ng mga tao at wala silang pagkaunawa, ngunit seryoso ang Diyos tungkol sa gayong mga bagay, at hindi ka Niya palalampasin. Maaaring mamagitan ang iyong mga kapatid para sa iyo, pupurihin ang iyong pagkaunawa, hahangaan ka, ngunit kung wala kang realidad, hindi ka palalampasin ng Banal na Espiritu. Marahil ay hindi hahalungkatin ng praktikal na Diyos ang iyong mga kapintasan, ngunit hindi ka papansinin ng Espiritu ng Diyos, at sapat na iyon na papasanin mo. Naniniwala ka ba dito? Magsalita nang higit pa tungkol sa realidad ng pagsasagawa; nakalimutan mo na ba? Magsalita nang higit pa tungkol sa praktikal na mga landas; nalimutan mo na ba? “Huwag gaanong magsalita tungkol sa malalaking teorya o labis na pananalita na walang kabuluhan, at pinakamabuti na magsimula nang magsagawa mula sa sandaling ito.” Nalimutan mo na ba ang mga salitang ito? Hindi mo ba nauunawaan ang alinman sa mga ito? Wala ka bang pagkaunawa sa kalooban ng Diyos?
Manood ng higit pa:Ano ang katotohanan