Ang Ika-tatlumpu’t-limang Pagbigkas
Pitong kulog ang lumalabas mula sa trono, nililiglig ang sansinukob, ibinabaligtad ang langit at lupa, at umaalingawngaw sa buong himpapawid! Lubhang tumatagos ang tunog kaya’t ang mga tao ay hindi makatakas ni makatago mula rito. Ang mga guhit ng kidlat at mga dagundong ng kulog ay ipinadadala, dinadala sa katapusan ang langit at lupa sa isang saglit, at ang mga tao ay nasa bingit ng kamatayan. Pagkatapos, isang marahas na bagyong ulan ang humahagupit sa buong kalawakan na singbilis ng kidlat, bumabagsak mula sa himpapawid! Sa pinakamalalayong sulok ng lupa, tulad sa isang pagbuhos na umaagos tungo sa bawa’t kasuluk-sulukan at piták-piták, walang naiiwan kahit isang mantsa, at habang hinuhugasan nito ang lahat mula ulo hanggang daliri ng paa, walang anumang natatago mula rito ni matatakpan ang sinumang tao mula rito. Ang mga dagundong ng kulog, gaya ng nakakapanindig-balahibong liwanag ng mga guhit ng kidlat, ay nagpapanginig sa mga tao sa takot! Ang matalas at magkabila’y-talim na sibat ay nagpapabagsak sa mga anak ng pagsuway, at ang kaaway ay nakaharap sa sakúnâ nang walang anumang masisilungan, ang kanilang mga ulo’y umiikot sa karahasan ng bagyo, at, nahagupit na walang-malay, sila ay kaagad na bumabagsak na patay tungo sa umaagos na mga tubig upang maanod paláyô. Basta na lamang sila namamatay nang walang anumang paraang magliligtas sa kanilang mga buhay. Ang pitong kulog ay nagmumula sa Akin at dinadala nila ang Aking hangarin, na ang pabagsakin ang pinakamatatandang mga anak-na-lalaki ng Egipto, upang parusahan ang masama at linisin ang Aking mga iglesia, upang ang lahat ay nakakapit nang malápít sa isa’t isa, sila ay nag-iisip at kumikilos nang magkakapareho, at sila ay kaisang-puso Ko, at upang ang lahat ng mga iglesia sa buong sansinukob ay maitayo bilang isa. Ito ang Aking layunin.
Kapag ang kulog ay dumadagundong, ang mga pagtangis ay nagsisimulang umalon. Ang ilan ay nagigising mula sa kanilang pagkakatulog, at, matinding nababahala, nagsasaliksik silang malalim sa kanilang mga kaluluwa at nagmamadaling bumabalik sa harap ng trono. Tumitigil sila sa panlilinlang at pandaraya at paggawa ng mga krimen, at hindi pa gaanong huli para sa gayong mga tao na magising. Nagmamasid Ako mula sa trono. Tinitingnan Ko nang malalim ang mga puso ng mga tao. Inililigtas Ko yaong masigasig at mainit na nagnanasà sa Akin, at kinaaawaan Ko sila. Aking ililigtas tungo sa kawalang-hanggan yaong mga nagmamahal sa Akin sa kanilang mga puso nang higit kaysa lahat ng iba pa, yaong nakakaunawa sa Aking kalooban, at siyang sumusunod sa Akin hanggang sa katapusan ng daan. Hahawakan silang ligtas ng Aking kamay upang hindi nila harapin ang tagpong ito at hindi sumapit sa kapahamakan. Ang ilan, kapag nakita nila ang tanawing ito ng gumuguhit na kidlat, ay naghihirap sa kanilang mga puso na hindi nila maibubulalas, at ang kanilang mga panghihinayang ay masyadong huli na. Kung magpipilit silang kumilos nang papaganito, lubhang huli na para sa kanila. O, ang lahat, ang lahat! Lahat nang ito ay magaganap. Ito ay isa sa Aking mga paraan ng pagliligtas. Inililigtas Ko yaong mga nagmamahal sa Akin at pinababagsak ang masama. Upang ang Aking kaharian ay maging matibay at matatag sa lupa at upang malaman ng lahat ng mga tao sa bawa’t bansa sa buong sansinukob na Ako ay hari, Ako ay nagngangalit na apoy, Ako ay Diyos na nagsasaliksik sa kaloob-loobang puso ng bawa’t tao. Mula sa sandaling ito, ang paghatol ng malaking puting trono ay hayagang ibinubunyag sa karamihan at ibinabalita sa lahat ng mga tao na ang paghatol ay nagsimula na! Walang alinlangan na lahat ng hindi nagsasalita kung ano ang nasa kanilang mga puso, yaong mga nakakadama ng pag-aalinlangan at hindi nangangahas na maging tiyak, lahat ng nagsasayang ng panahon, na nakakaunawa sa Aking mga inaasam nguni’t hindi handang isagawa ang mga iyon, sila ay dapat mahatulan. Dapat ninyong maingat na siyasatin ang inyong sariling mga intensiyon at mga motibo, at lumagay sa inyong dapat kalagyan, isagawa nang lubusan yaong Aking sinasabi, bigyang halaga ang inyong mga karanasan sa buhay, huwag kumilos nang masigasig sa panlabas, kundi palaguin ang inyong mga buhay, magulang, matatag at makaranasan, at saka lamang kayo magiging gaya ng Aking puso.
Tanggihan ang mga sunud-sunuran kay Satanas at ang mga masasamang espiritu na gumagambala at sumisira doon sa Aking mga itinatayong mga pagkakataon para samantalahin ang mga bagay-bagay para sa kanilang kalamangan. Dapat silang mahigpit na malimitahan at mapigilan at mapapakitunguhan lamang sila sa pamamagitan ng paggamit ng matatalas na mga sibat. Yaong mga pinakamasasama ay dapat na agarang mabunot upang hindi na sila maging banta sa hinaharap. At ang iglesia ay magagawang perpekto, hindi magkakaroon ng anumang kapansanan, at ito ay magiging malusog, puno ng sigla at lakas. Kasunod ng gumuguhit na kidlat, umaalingawngaw ang dagundong ng mga kulog. Hindi kayo dapat magpabaya, at hindi kayo dapat sumuko kundi gawin ang inyong sukdulang kakayahan para makahabol, at tiyak na inyong makikita kung ano ang ginagawa ng Aking kamay, kung ano ang Aking kinakamit, kung ano ang Aking itinatapon, kung ano ang Aking pineperpekto, kung ano ang Aking binubunot, kung ano ang Aking pinababagsak. Ang lahat ng ito ay mahahayag sa harap ng inyong mga paningin upang inyong makita nang malinaw ang Aking pagka-makapangyarihan-sa-lahat.
Mula sa trono hanggang sa mga kadulu-duluhan ng buong sansinukob, ang pitong kulog ay umaalingawngaw. Isang malaking pangkat ng mga tao ang maliligtas at magpapasakop sa harap ng Aking trono. Kasunod nitong liwanag ng buhay, naghahanap ang mga tao ng paraan upang makaligtas at hindi nila nakakayang tulungan ang kanilang mga sarili kundi lumalapit sa Akin, upang lumuhod sa pagsamba, ang kanilang mga bibig ay tumatawag sa pangalan ng makapangyarihang totoong Diyos, at ipinahahayag ang kanilang mga kahilingan. Nguni’t para sa kanilang lumalaban sa Akin, mga taong pinatitigas ang kanilang mga puso, ang kulog ay umaalingawngaw sa kanilang mga tainga at walang dudang sila ay dapat mapahamak. Ito lamang ang huling kalalabasan para sa kanila. Ang Aking minamahal na mga anak-na-lalaki na mga matagumpay ay mananatili sa Sion at makikita ng lahat ng mga tao kung ano ang kanilang makukuha, at matinding luwalhati ang makikita sa harap ninyo. Ito ay talagang isang malaking pagpapala na ang katamisan ay mahirap isalita.
Kapag ang lagapak ng pitong kulog ay lumabas, naroon ang kaligtasan niyaong mga nagmamahal sa Akin, niyaong nagnanasa sa Akin nang may tapat na mga puso. Yaong nabibilang sa Akin at siyang Aking naitalaga at napili ay makakayang lahat na sumailalim sa Aking pangalan. Naririnig nila ang Aking tinig, na siyang pagtawag ng Diyos. Hayaan yaong mga nasa kadulu-duluhan ng lupa na makitang Ako ay matuwid, Ako ay tapat, Ako ay pag-ibig, Ako ay kahabagan, Ako ay hari, Ako ay nagngangalit na apoy, at sa kahuli-hulihan Ako ay walang-awang paghatol.
Hayaan ang lahat sa mundo na makitang Ako ay ang tunay at ganap na Diyos Mismo. Lahat ng mga tao ay taos na napapaniwala at walang sinumang nangangahas na muling lumaban sa Akin, na hatulan Ako o siraan Akong muli. Kung hindi, sila ay agad na susumpain at babagsak sa kanila ang sakúnâ. Tatangis lamang sila at pagngangalitin ang kanilang mga ngipin at pasasapitin nila ang kanilang sariling pagkawasak.
Hayaang malaman ng lahat ng mga tao, at ipaalam sa mga kadulu-duluhan ng sansinukob, upang malaman ng bawa’t tao. Ang Makapangyarihang Diyos ang nag-iisang totoong Diyos, ang lahat ay isa-isang luluhod para sumamba sa Kanya at kahit ang mga batang kaaalam lamang magsalita ay tatawag ng “Makapangyarihang Diyos”! Makikita niyaong mga nanunungkulang may-kapangyarihan ng kanilang sariling mga mata ang totoong Diyos na nagpapakita sa harapan nila at sila rin ay magpapatirapa sa pagsamba, nagsusumamo para sa habag at kapatawaran, nguni’t ito ay lubhang huli na dahil ang sandali ng kanilang pagpanaw ay nakarating na; dapat itong magawa para sa kanila: pinapatawan sila ng hatol na mapunta sa walang-hanggang hukay. Dadalhin Ko ang buong kapanahunan sa katapusan, at lalo pang palalakasin ang Aking kaharian. Lahat ng mga bansa at mga bayan ay magpapasakop sa Aking harapan hanggang sa kawalang-hanggan!