🍀¸.•*♡*•☆🍀¸¸.•*♡*•☆🍀¸.•*♡*•☆🍀¸.•*♡*•☆🍀¸.•*♡*•☆🍀
15. Ang gawain ng nagkatawang-tao na Diyos ay hindi tulad ng mga ginamit ng Banal na Espiritu. Kapag ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa lupa, ang isinasaalang-alang Niya lamang ay ang katuparan ng Kanyang ministeryo. Patungkol naman sa lahat ng iba pang mga bagay na walang kinalaman sa Kanyang ministeryo, sadyang hindi Siya nakikibahagi, maging hanggang sa puntong nagwawalang-bahala Siya. Isinasagawa lamang Niya ang gawaing dapat Niyang gawin, at pinakahuli sa Kanyang isinasaalang-alang ay ang tungkol sa gawaing dapat gawin ng tao. Ang gawain na ginagawa Niya ay kaugnay lamang sa kapanahunang kinapapalooban Niya at ang ministeryo na dapat Niyang tuparin, na para bagang ang iba pang bagay ay hindi Niya tungkulin. Hindi Niya binibigyan ang Kanyang sarili ng mas maraming payak na kaalaman sa pamumuhay bilang tao, at hindi Niya inaaral ang ibang kasanayang pakikipagkapwa o ano man na naiintindihan ng tao. Hindi Siya nagpapakita ng pag-aalala sa lahat ng dapat ibigay sa tao at ang tanging ginagawa ay ang gawain na Kanyang tungkulin. At kaya, sa paningin ng tao, ang nagkatawang-tao na Diyos ay lubhang kulang, na maging hanggang sa puntong pinagwawalang-bahala Niya ang maraming bagay na dapat mayroon ang tao, at wala Siyang pang-unawa sa mga ganitong bagay. Ang mga bagay tulad ng pangkalahatang kaalaman sa buhay, pati na rin ang mga prinsipyo ng pag-uugali at pakikipag-ugnayan sa iba ay nagmumukhang hindi mahalaga para sa Kanya. Sa kabila nito, hindi mo mararamdaman mula sa nagkatawang-tao na Diyos ang kahit na kaunting di normal na pag-uugali. Ibig sabihin, pinananatili lamang ng Kanyang pagkatao ang Kanyang buhay bilang isang karaniwang tao na may karaniwang pangangatwiran ng Kanyang pag-iisip, na nagbibigay sa Kanya ng kakayahang kumilala ng kaibahan ng tama at mali. Gayunman, hindi Siya binigyan ng anumang bagay, na para sa tao (mga nilikhang tao) lamang. Ang Diyos ay naging tao lamang upang matupad ang Kanyang ministeryo. Ang Kanyang gawain ay nakadirekta para sa isang buong kapanahunan at hindi sa anumang partikular na tao o lugar. Ang Kanyang gawain ay nakadirekta sa buong sansinukob. Ito ang direksyon ng Kanyang gawain at sa prinsipyo kung saan Siya ay gumagawa. Walang makakapagpabago nito, at hindi maaaring makibahagi ang tao.
mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (3)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
16. Dumarating ang Diyos sa mundo para ganapin lamang ang Kanyang gawain, at kaya ang Kanyang gawain sa mundo ay hindi nagtagal. Dumarating Siya sa mundo na walang layunin na linangin ng Espiritu ng Diyos ang Kanyang katawan tungo sa isang pambihirang lider ng iglesia. Kapag dumarating ang Diyos sa mundo, ito ay ang Salita na nagiging tao; gayunman, ang tao, ay hindi nakakakilala ng Kanyang gawain at ipinipilit ang nasabing layunin sa Kanya. Ngunit dapat ninyong maunawaang lahat na ang Diyos ay ang Salita na nagkatawang-tao, hindi isang laman na nilinang ng Espiritu ng Diyos upang pansamantalang panindigan ang tungkulin ng Diyos. Ang Diyos Mismo ay hindi nilinang, ngunit ang Salita na nagkatawang-tao, at ngayon ay opisyal Niyang isinasagawa ang Kanyang gawain sa inyong lahat.
mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (3)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
17. Nagiging tao lamang ang Diyos upang pamunuan ang kapanahunan at simulan ang bagong gawain. Dapat ninyong maunawaan ang puntong ito. Ibang-iba ito sa tungkulin ng tao, at talagang magkaiba ang dalawa. Ang tao ay nangangailangan ng mahabang panahon ng paglilinang at pagpapasakdal bago maaaring magamit ang tao upang isagawa ang gawain, at isang lalong kahanga-hangang pagkatao ang kakailanganin. Hindi lamang dapat mapanatili ng tao ang kanyang matinong pag-iisip, ngunit dapat mas lalong maunawaan ng tao ang maraming prinsipyo at patakaran ng pag-uugali sa harap ng iba, at higit sa rito ay dapat matuto pa ng karunungan at etika ng tao. Ito ang dapat na ipagkaloob sa tao. Gayunman, ito ay hindi para sa Diyos na naging tao, dahil ang Kanyang gawain ay hindi kumakatawan sa tao o para sa tao; sa halip, ito ay isang tuwirang pagpapahayag ng Kanyang pagka-Diyos at isang tuwirang pagsasagawa ng gawain na dapat Niyang gawin. (Natural, isinasagawa ang Kanyang gawain kung kailan ito dapat gawin, at hindi kung kailan naisin. Sa halip, ang Kanyang gawain ay sinimulan nang oras na para tuparin ang Kanyang ministeryo.) Hindi Siya nakikibahagi sa buhay ng tao o gawain ng tao, iyon ay, ang Kanyang pagkatao ay hindi binigyan ng alinman sa mga ito (ngunit ito ay hindi nakakaapekto sa Kanyang gawain). Tinutupad Niya lamang ang Kanyang ministeryo kapag oras na para gawin Niya ito; anuman ang Kanyang katayuan, ipinagpapatuloy Niya lamang ang gawain na dapat Niyang gawin. Anuman ang alam ng tao sa Kanya o anuman ang kanilang mga opinyon sa Kanya, ang Kanyang gawain ay hindi naaapektuhan. Tulad ito ng isinagawa ni Jesus ang Kanyang gawain; walang nakakilala kung sino Siya, ngunit ipinagpatuloy Niya lamang ang Kanyang gawain. Wala sa mga ito ang nakaapekto sa Kanya sa pagsasagawa ng gawain na dapat Niyang gawin. Samakatuwid, hindi muna Niya inamin o ipinahayag ang Kanyang sariling pagkakakilanlan, at pinasunod lamang Niya ang tao sa Kanya. Natural na hindi lamang ito ang kababaang-loob ng Diyos; ito ay ang paraan na kung saan ang Diyos ay gumagawa sa katawang-tao. Sa ganitong paraan lamang Siya maaaring gumawa, dahil hindi Siya nakikilala ng tao sa pamamagitan ng mata lamang. At kahit na magawa ito ng tao, hindi makakatulong ang tao sa Kanyang gawain. At saka, hindi Siya naging tao para malaman ng tao ang Kanyang katawang-tao; ito ay upang isagawa ang gawain at tuparin ang Kanyang ministeryo. Sa kadahilanang ito, hindi Niya binigyang kahalagahan ang gawing hayag ang Kanyang pagkakakilanlan. Nang natapos na Niya ang lahat ng gawain na dapat Niyang gawin, lahat ng Kanyang pagkakakilanlan at katayuan ay natural na naunawaan ng tao. Ang Diyos na naging tao ay nanatiling tahimik lamang at hindi kailanman gumawa ng kahit anong mga pahayag. Hindi Niya pinapansin ang tao o kung paano nagagawa ng tao ang pagsunod sa Kanya, at ipinagpapatuloy lamang Niya ang pagtupad sa Kanyang ministeryo at pagsasagawa ng gawain na dapat Niyang gawin. Walang sinumang makahahadlang sa gawain Niya. Kapag dumarating ang oras para matapos ang Kanyang gawain, mahalaga na ito ay matapos na at madala sa katapusan. Walang maaaring magdikta ng iba pa. Tanging pagkatapos lamang Niyang lisanin ang tao kapag nakumpleto na ang Kanyang gawain at saka mauunawaan ng tao ang gawain na ginagawa Niya, kahit na hindi pa ganap na malinaw. At aabutin ng mahabang panahon para lubusang maunawaan ng tao ang Kanyang layunin nang una Niyang isinagawa ang Kanyang gawain. Sa madaling salita, ang gawain ng kapanahunan kapag ang Diyos ay nagkakatawang-tao ay nahahati sa dalawang bahagi. Ang isang bahagi ay sa pamamagitan ng gawain at mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao Mismo. Sa sandaling ang ministeryo ng Kanyang katawang-tao ay ganap na matupad, ang isa pang bahagi ng gawain ay isasagawa sa pamamagitan ng mga ginagamit ng Banal na Espiritu; pagkatapos nito ay oras na para tuparin ng tao ang kanyang tungkulin, dahil binuksan na ng Diyos ang daan, at dapat na itong lakaran ng tao mismo. Ibig sabihin, ang Diyos ay nagkakatawang-tao upang isagawa ang isang bahagi ng Kanyang gawain, at ito ay sunud-sunod na patuloy na ipinapatupad ng Banal na Espiritu pati na rin yaong mga ginamit ng Banal na Espiritu. Kaya dapat malaman ng tao ang mga pangunahing gawain na isasagawa ng Diyos na nagkatawang-tao sa yugtong ito ng gawain. Dapat na maunawaang ganap ng tao ang kahalagahan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ang gawaing dapat Niyang gawin, sa halip na hingin sa Diyos kung ano ang hinihingi sa tao. Ito ang pagkakamali ng tao, pati na rin ang kanyang paniwala, at saka, ang kanyang pagsuway.
mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang -tao (3)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
18. Ang Diyos ay nagkakatawang-tao hindi para sa layuning hayaan ang tao na makilala ang Kanyang katawang-tao, o hayaan ang tao na makita ang mga kaibahan sa pagitan ng katawan ng Diyos na nagkatawang-tao at yaong sa tao; ang Diyos ay hindi nagiging tao upang sanayin ang kakayahan ng tao sa pagkilatis, lalo na ang intensyon para sa tao na sambahin ang katawan ng naging-taong Diyos, kung saan ay makakatanggap Siya ng malaking kaluwalhatian. Wala sa mga ito ang orihinal na kalooban ng Diyos na maging tao. At ang Diyos ay hindi nagkakatawang-tao upang hatulan ang tao, upang sadyang ibunyag ang tao, o upang gawing mahirap ang mga bagay para sa tao. Wala sa mga ito ang orihinal na kalooban ng Diyos. Tuwing ang Diyos ay nagkakatawang-tao, ito ay gawaing hindi maiiwasan. Ito ay para sa Kanyang lalong malaking gawain at sa Kanyang lalong malaking pamamahala kaya ginagawa Niya ito, at hindi para sa mga dahilang naiisip ng tao. Ang Diyos ay dumarating lamang sa mundo ayon sa hinihingi ng Kanyang gawain, at laging dahil kinakailangan. Hindi Siya napaparito sa mundo na may intensyong maglibot, kundi isagawa ang gawaing dapat Niyang gawin. Bakit pa Niya tatanggapin ang naturang mabigat na pasanin at ilalagay ang sarili sa mga naturang malubhang panganib upang isagawa ang gawaing ito? Ang Diyos ay nagkakatawang-tao lamang kapag kailangan Niya, at palaging may natatanging kabuluhan. Kung ito lamang ay upang pahintulutan ang tao na makita Siya at mabuksan ang kanilang mga mata, kung gayon Siya, nang may ganap na katiyakan, ay hindi kailanman tutungo sa mga tao nang walang kabuluhan. Siya ay dumarating sa mundo para sa Kanyang pamamahala at sa Kanyang mas malaking gawain, at para maaari Siyang makakuha ng mas maraming tao. Siya ay dumarating upang kumatawan sa kapanahunan at upang talunin si Satanas, at dumarating Siya sa katawang-tao upang talunin si Satanas. Dagdag pa rito, Siya ay dumarating upang pamunuan ang lahat ng sangkatauhan sa kanilang buhay. Ang lahat ng ito ay may kinalaman sa Kanyang pamamahala, at gawain na may kinalaman sa lahat ng sandaigdig. Kung ang Diyos ay naging tao lamang upang pahintulutan ang tao na makilala ang Kanyang katawan at buksan ang mga mata ng tao, kung gayon bakit hindi Siya maglalakbay sa bawat bansa? Hindi ba ito isang bagay na napakadali? Ngunit hindi Niya ginawa ito, sa halip ay pumili ng isang angkop na lugar upang manirahan at simulan ang gawain na dapat Niyang gawin. Tanging ang katawan na ito ang may malaking kahalagahan. Kinakatawana Niya ang buong kapanahunan, at isinasagawa rin ang gawain ng buong kapanahunan; pareho Niyang dinadala ang naunang kapanahunan sa katapusan at inihahatid ang bago. Ang lahat ng ito ay mahalagang bagay na may kinalaman sa pamamahala ng Diyos, at ang kahalagahan ng isang yugto ng gawain na isinagawa ng Diyos na dumating sa lupa.
mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (3)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
19. Ang gawain ng bawat kapanahunan ay sinisimulan ng Diyos Mismo, ngunit dapat mong malaman na anuman ang gawain ng Diyos, hindi Siya dumarating upang magsimula ng isang kilusan o magdaos ng espesyal na mga pagpupulong o upang magtatag ng anumang uri ng organisasyon para sa inyo. Siya ay dumarating lamang upang tuparin ang gawain na dapat Niyang gawin. Ang Kanyang gawain ay hindi limitado ng sinumang tao. Ginagawa Niya ang Kanyang gawain sa kung paano Niya naisin; kahit na ano ang isipin o alam ng tao, nakatutok lamang Siya sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain. Simula ng paglikha ng mundo, nagkaroon na ng tatlong yugto ng gawain; mula kay Jehovah hanggang kay Jesus, at mula sa Kapanahunan ng Kautusan hanggang sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay hindi kailanman nagtawag ng espesyal na pagpupulong para sa tao, o pinagtipun-tipon man ang lahat ng sangkatauhan para magkaroon ng espesyal na pandaigdigang pagpupulong para mapalawak ang Kanyang gawain. Isinasagawa lamang Niya ang paunang gawain ng isang buong kapanahunan kapag ang oras at lugar ay tumpak, at sa pamamagitan nito ay naghahatid ng kapanahunan upang pamunuan ang sangkatauhan sa kanilang mga buhay. Ang mga espesyal na pagpupulong ay ang mga pagsasama-sama ng tao; gawa ng tao ang sama-samang pagtitipon ng mga tao upang ipagdiwang ang mga araw ng kapistahan. Hindi sinusunod ng Diyos ang mga araw na kapistahan at, higit pa rito, kinapopootan ang mga ito; hindi Siya nagtitipon ng espesyal na mga pagpupulong at lalo pang kinapopootan ang mga ito. Ngayon dapat mong ganap na maunawaan kung ano ang gawain ng Diyos na naging tao.
mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (3)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
20. Ang buong disposisyon ng Diyos ay naibunyag sa buong anim-na-libong-taong plano sa pamamahala. Ito ay hindi lamang naibunyag sa Kapanahunan ng Biyaya, tanging sa Kapanahunan ng Kautusan, o lalo na nga, tanging sa panahong ito ng mga huling araw. Ang gawain na ginawa sa mga huling araw ay kumakatawan sa paghatol, poot at pagkastigo. Ang gawain na ginawa sa mga huling araw ay hindi maaaring pumalit sa gawain ng Kapanahunan ng Kautusan o doon sa Kapanahunan ng Biyaya. Gayunman, ang tatlong yugto ay nagkakaugnay-ugnay tungo sa iisang bagay at ang lahat ay gawaing ginawa ng isang Diyos. Natural, ang pagtupad ng gawaing ito ay nahahati sa magkakahiwalay na mga kapanahunan. Ang gawain sa mga huling araw ay nagdadala sa lahat ng bagay sa katapusan; yaong ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan ay ang pagsisimula; at yaong ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya ay ang pagtubos. Para naman sa mga pangitain ng gawain dito sa buong anim-na-libong-taong plano sa pamamahala, walang maaaring magkaroon ng panloob-na-pananaw o pagkaunawa. Ang mga gayong pangitain ay palaging nananatiling mga hiwaga. Sa mga huling araw, tanging ang gawain ng salita ang ginagawa upang ihatid ang Kapanahunan ng Kaharian nguni’t hindi ito kumakatawan sa lahat ng mga kapanahunan. Ang mga huling araw ay hindi higit sa mga huling araw at hindi higit sa Kapanahunan ng Kaharian, na hindi kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya o sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang mga huling araw ay ang panahon lamang kung saan ang lahat ng gawain sa anim-na-libong-taong plano sa pamamahala ay ibinubunyag sa inyo. Ito ang paglalantad ng hiwaga. Ang gayong hiwaga ay hindi mailalantad ng sinumang tao. Kahit na gaano pa kalawak ang pagkaunawa ng tao sa Biblia, nananatili itong mga salita lamang, dahil hindi nauunawaan ng tao ang sangkap ng Biblia. Kapag ang tao ay nagbabasa ng Biblia, maaaring makatanggap siya ng ilang katotohanan, makapagpaliwanag ng ilang mga salita o makapaghimay ng ilang tanyag na mga talata at mga sipi, nguni’t hindi kailanman niya makukuha ang kahulugang nakapaloob sa mga salitang iyon, dahil lahat ng nakikita ng tao ay mga salitang walang buhay, hindi ang mga eksena ng gawain ni Jehova at ni Jesus, at hindi kayang lutasin ng tao ang hiwaga ng nasabing gawain. Samakatuwid, ang hiwaga ng anim-na-libong-taong plano sa pamamahala ay ang pinakamalaking hiwaga, ang siyang pinaka-natatago at lubusang hindi maiisip ng tao. Walang sinumang direktang makakaunawa sa kalooban ng Diyos, maliban kung Siya Mismo ang nagpapaliwanag at nagbubukas sa tao, kung hindi, mananatili ang mga yaong palaisipan sa tao magpakailanman at mananatiling mga hiwagang selyado magpakailanman. Huwag pansinin ang mga nasa relihiyosong mundo; kung hindi kayo nasabihan ngayon, hindi rin kayo makakaunawa.
mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
21. Ang gawain sa mga huling araw ay ang huling yugto sa tatlo. Ito ay ang gawain ng isa pang bagong kapanahunan at hindi kumakatawan sa buong gawain ng pamamahala. Ang anim-na-libong-taong plano sa pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto ng gawain. Walang nag-iisang yugto ang kayang kumatawan sa gawain ng tatlong kapanahunan nguni’t kaya lamang kumatawan sa isang bahagi ng kabuuan. Ang pangalang Jehova ay hindi maaaring kumatawan sa lahat ng disposisyon ng Diyos. Ang katunayan na nagsagawa Siya ng gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay maaaring maging Diyos lamang sa ilalim ng kautusan. Nagtakda si Jehova ng mga batas para sa tao at nagbaba ng mga kautusan, na humihingi sa tao na magtayo ng templo at mga altar; ang gawain na ginawa Niya ay kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawain na ginawa Niya ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay ang Diyos na humihingi sa tao na panatilihin ang kautusan, ang Diyos sa templo, o ang Diyos sa harapan ng altar. Hindi masasabi ito. Ang gawain sa ilalim ng kautusan ay maaari lamang kumatawan sa isang kapanahunan. Samakatuwid, kung ginawang mag-isa ng Diyos ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, bibigyang-kahulugan ng tao ang Diyos at sasabihing, “Ang Diyos ay ang Diyos sa templo. Upang makapaglingkod sa Diyos, kailangan nating magsuot ng mga kasuotang pangsaserdote at pumasok sa templo.” Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya ay hindi naisagawa kahit kailan at ang Kapanahunan ng Kautusan ay nagpatuloy hanggang sa kasalukuyan, hindi malalaman ng tao na ang Diyos ay maawain din at mapagmahal. Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagáwâ, at tanging yaong sa Kapanahunan ng Biyaya ang nagáwâ, ang malalaman lamang ng tao ay na ang Diyos ay nakakapagtubos sa tao at nakakapagpatawad sa mga kasalanan ng tao. Ang malalaman lamang nila ay na Siya’y banal at walang-sala, na kaya Niyang isakripisyo ang Sarili Niya at mapako sa krus para sa tao. Ito lamang ang malalaman ng tao at wala na siyang magiging kaunawaan sa iba pa. Kaya ang bawa’t kapanahunan ay kumakatawan sa isang bahagi ng disposisyon ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kautusan ay kumakatawan sa ilang mga aspeto, ang Kapanahunan ng Biyaya sa ilang mga aspeto, at ganoon din ang kapanahunang ito sa ilang mga aspeto. Ang disposisyon ng Diyos ay maibubunyag lamang nang lubusan sa pamamagitan ng kombinasyon ng lahat ng tatlong yugto. Tanging kapag nalalaman ng tao ang lahat ng tatlong yugto saka magagawa ng tao na tanggapin ito nang buo. Walang isa sa mga tatlong yugto ang maaaring kaligtaan. Makikita mo lamang ang disposisyon ng Diyos sa kabuuan nito kapag nalaman mo itong tatlong yugto ng gawain. Ang pagtatapos ng Diyos sa Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na Siya ay ang Diyos sa ilalim ng kautusan, at ang pagtatapos ng Kanyang gawain ng pagtubos ay hindi nagpapakita na ang Diyos ay tutubos sa sangkatauhan magpakailanman. Ang lahat ng mga ito ay mga konklusyon na binuo ng tao. Ang Kapanahunan ng Biyaya ay dumating na sa katapusan, nguni’t hindi mo masasabi na ang Diyos ay para lamang sa krus at na ang krus ay kumakatawan sa pagliligtas ng Diyos. Kung ginagawa mo ang ganoon, binibigyan mo ng pakahulugan ang Diyos. Sa yugtong ito, ang Diyos higit sa lahat ay gumagawa ng gawain ng salita, nguni’t hindi mo maaring sabihin na ang Diyos ay hindi kailanman naging maawain sa tao at na ang lahat ng nadálá Niya ay pagkastigo at paghatol. Ang gawain sa mga huling araw ay naglalantad sa gawain ni Jehova at ni Jesus at sa lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao. Ginagawa ito upang ibunyag ang hantungan at ang katapusan ng sangkatauhan at tapusin ang lahat ng gawain ng pagliligtas sa gitna ng sangkatauhan. Itong yugtong ito ng gawain sa mga huling araw ay naghahatid sa lahat ng bagay sa katapusan. Lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao ay dapat malutas upang pahintulutan ang tao na magkaroon ng panloob-na-pananaw sa bagay na ito at magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa kanilang mga puso. Doon pa lamang maaaring mahati ang mga tao ayon sa kanilang mga uri. Pagkatapos lamang na maganap ang anim-na-libong-taong plano sa pamamahala saka maiintindihan ng tao ang kabuuang disposisyon ng Diyos, dahil ang Kanyang pamamahala ay doon lamang darating sa pagtatapos.
mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
22. Ang lahat ng gawain na ginawa sa buong anim-na libong-taong plano sa pamamahala ay ngayon lamang nagtatapos. Malalaman lamang nila ang lahat ng Kanyang disposisyon at Kanyang mga pag-aari at pagka-Diyos matapos maibunyag ang lahat ng gawaing ito sa tao at naisakatuparan sa gitna ng tao. Kapag ang gawain ng yugtong ito ay ganap nang natapos, ang lahat ng hiwaga na hindi naunawaan ng tao ay mabubunyag, ang lahat ng katotohanan na dati’y hindi naintindihan ay magiging malinaw, at ang sangkatauhan ay masasabihan tungkol sa kanyang hinaharap na landas at hantungan. Ito ang lahat ng gawaing gagawin sa yugtong ito.
mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
23. Kung ano ang hinihingi sa tao ngayong araw ay di-tulad niyaong sa nakalipas at lalong di-tulad ng hiningi sa tao sa Kapanahunan ng Kautusan. At ano ang hiningi sa tao sa ilalim ng kautusan nang ang gawain ay ginawa sa Israel? Walang ibang hiniling sa kanila kundi ang panatilihin ang Sabbath at ang mga kautusan ni Jehova. Walang sinuman ang magtatrabaho sa Sabbath o lalabag sa mga kautusan ni Jehova. Nguni’t hindi na ganito sa ngayon. Sa araw ng Sabbath, ang tao ay gumagawa, nangangalap at nananalangin gaya ng dati, at walang mga paghihigpit na ipinapataw. Yaong nasa Kapanahunan ng Biyaya ay dapat mabautismuhan; hindi lamang iyon, hiningi sa kanila na mag-ayuno, magpira-piraso ng tinapay, uminom ng alak, takpan ang kanilang mga ulo, at hugasan ang kanilang mga paa. Ngayon, ang mga patakarang ito ay naiwaksi na at mas higit ang hinihingi sa tao, dahil ang gawain ng Diyos ay patuloy na lumalalim at ang pagpasok ng tao ay mas lalong tumataas. Noong nakalipas, ipinatong ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa tao at nanalangin, nguni’t ngayon na ang lahat ng bagay ay nasabi na, ano ang silbi ng pagpapatong ng mga kamay? Ang mga salita lamang ay maaaring makapagkamit ng mga resulta. Noong nakaraan, kapag Siya’y nagpatong ng Kanyang mga kamay sa tao, ito’y para pagpalain at pagalingin ang tao. Ganito kung paano gumawa ang Banal na Espiritu noong panahong iyon, nguni’t hindi na ganito sa ngayon. Ngayon, ang Banal na Espiritu ay gumagamit ng mga salita sa Kanyang gawain upang magkaroon ng mga bunga. Nilinaw na Niya ang Kanyang mga salita sa inyo, at dapat lamang ninyo itong isagawa. Ang Kanyang mga salita ay ang Kanyang kalooban at nagpapapakita ng gawain na Kanyang gagawin. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, mauunawan mo ang Kanyang kalooban at kung ano ang hinihingi Niyang abutin mo. Isagawa mo lamang ang Kanyang mga salita nang direkta nang hindi na kailangan ng pagpapatong ng mga kamay. Maaaring sabihin ng ilan, “Ipatong Mo ang Iyong mga kamay sa akin! Ipatong Mo ang Iyong mga kamay sa akin upang matanggap ko ang Iyong pagpapala at makibahagi sa Iyo.” Ang lahat ng mga ito ay laos nang mga pagsasagawa na ngayon ay ipinagbabawal na, dahil nagbago na ang kapanahunan. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa alinsunod sa kapanahunan, hindi lamang dahil gusto o ayon sa nakatakdang mga panuntunan. Nagbago ang kapanahunan, at ang isang bagong kapanahunan ay dapat may dalang bagong gawain. Totoo ito sa bawa’t yugto ng gawain, at kaya ang Kanyang gawain ay hindi kailanman nauulit. Sa Kapanahunan ng Biyaya, tinupad ni Jesus ang karamihan sa gawaing iyon, tulad ng pagpapagaling ng sakit, pagpapalayas ng mga demonyo, pagpapatong ng Kanyang mga kamay sa tao upang ipanalangin ang tao, at pagpapala sa tao. Gayunman, ang ipagpatuloy pa ang gayon ay walang saysay sa kasalukuyan. Ang Banal na Espiritu ay gumawa sa ganoong paraan noong panahong iyon, dahil iyon ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang tao ay pinakitaan ng sapat na biyaya para tamasahin. Hindi na kinailangang magbayad ang tao ng anumang halaga at maaaring tumanggap ng biyaya hangga’t siya ay may pananampalataya. Lahat ay trinato nang may lubhang kagandahang-loob. Ngayon, ang kapanahunan ay nagbago, at ang gawain ng Diyos ay nakakasulong nang higit pa; sa pamamagitan ng Kanyang pagkastigo at paghatol, ang pagiging-suwail ng tao at ang mga karumihan sa kalooban ng tao ay maaalis. Dahil ito ang yugto ng pagtubos, kinailangang tuparin ng Diyos ang gayong gawain, na nagpapakita sa tao ng sapat na biyaya para matamasa ng tao, para matubos ang tao mula sa kasalanan, at sa pamamagitan ng biyaya mapatawad ang tao sa kanilang mga kasalanan. Ang yugtong ito ay ginawa upang ilantad ang mga kasamaan sa kalooban ng tao sa pamamagitan ng pagkastigo, paghatol, ng pagpalo gamit ang mga salita, pati na rin ng disiplina at pagbubunyag ng mga salita, upang pagkatapos ay maligtas sila. Ito ay gawaing mas malalim kaysa pagtubos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang tao ay nagtamasa ng sapat na biyaya at nakaranas na ng biyayang ito, at kaya hindi na ito matatamasa ng tao. Ang gayong gawain ay lipas na ngayon at hindi na dapat gawin. Ngayon, ang tao ay naliligtas sa pamamagitan ng paghatol ng salita. Pagkatapos hatulan ang tao, kastiguhin at dalisayin, bunga nito ang kanyang disposisyon ay nababago. Hindi ba ito ay dahil sa mga salitang Aking sinambit? Ang bawa’t yugto ng gawain ay tinutupad ayon sa pag-unlad ng lahat ng sangkatauhan at kasabay ng kapanahunan. Lahat ng gawain ay may kanyang kabuluhan; ito ay ginagawa para sa pangwakas na pagliligtas, para ang sangkatauhan ay magkaroon ng isang magandang hantungan sa hinaharap, at para ang tao ay mahati ayon sa kanilang mga uri sa katapusan.
mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
24. Ang gawain sa mga huling araw ay bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maibubunga sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabago ngayong naibubunga sa mga taong ito sa pagtanggap ng mga salitang ito ay mas higit kaysa roon sa mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya sa pagtanggap niyaong mga tanda at mga kababalaghan. Sapagka’t, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay lumayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, nguni’t ang tiwaling mga disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay gumaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, nguni’t ang gawain ng kung paano maiwawaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon sa loob ng tao ay hindi nagawa sa kanya. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananampalataya, nguni’t ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng Diyos na nagkatawang-tao, nguni’t hindi ito nangangahulugan na ang tao ay walang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog sa kasalanan, nguni’t hindi magawang lutasin ng tao ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala at kung paanong ang kanyang makasalanang kalikasan ay ganap na maiwawaksi at mababago. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, nguni’t ang tao ay patuloy na namuhay sa dating tiwaling maka-satanas na disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa tiwaling maka-satanas na disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay ganap na maiwaksi at hindi na muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kinakailangan nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, ang landas ng buhay, at ang paraan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Kinakailangan din na ang tao ay kumilos alinsunod sa landas na ito nang sa gayon ang disposisyon ng tao ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng pagsikat ng liwanag, at upang magawa niya ang lahat ng bagay ayon sa kalooban ng Diyos, iwaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon, at lumaya mula sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas, at dahil dito ganap na makakalaya mula sa kasalanan. Doon lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, batay sa pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay maaring makakita at kahit ang patay ay maaring maibalik ang buhay. Gayunman, hindi matuklasan ng tao ang tiwaling maka-satanas na disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ito. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at kanilang maka-Diyos na itsura; kung ang tao ay maaring mabuhay batay sa ganito, siya ay itinuring na isang mabuting mananampalataya. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Nguni’t, sa kanilang buong buhay, hindi nila lubos na naunawaan kahit kailan ang daan ng buhay. Sila ay nakakagawa lamang ng mga kasalanan, pagkatapos ay nagpapahayag ng kasalanan nang paulit-ulit na walang anumang daan tungo sa isang nabagong disposisyon; ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatuwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ang nagpapalinis sa tao sa pamamagitan ng salita upang bigyan ang tao ng landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagka’t ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagka’t ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Nguni’t ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob nila at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos; hindi nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawain ginagamit ng Diyos ang salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao at hinihingi sa tao na magsagawa alinsunod sa tamang landas. Ang yugtong ito ay mas makahulugan kaysa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagbibigay-buhay sa tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatuwid, ang pagkakatawang-tao sa mga huling araw ay nagpaging-ganap sa kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano sa pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.
mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao