8. Ang Biblia ay tinatawag din na Lumang at Bagong Tipan. Alam ninyo ba kung ano ang tinutukoy ng “tipan?” Ang “tipan” sa “Lumang Tipan” ay mula sa kasunduan ni Jehova sa bayan ng Israel nang patayin Niya ang mga taga-Ehipto at iniligtas ang mga Israelita mula sa Faraon. Siyempre pa, ang patunay ng kasunduang ito ay ang dugo ng tupa na ipinahid sa mga biga, kung saan nagtatag ang Diyos ng kasunduan sa tao, isa na kung saan sinabi na ang lahat nang may dugo ng tupa sa itaas at mga gilid ng hamba ng pintuan ay mga Israelita, sila ang piniling bayan ng Diyos, at silang lahat ay maliligtas ni Jehova (sapagkat papatayin na ni Jehova noon ang lahat ng mga panganay na lalaki ng Ehipto at panganay na mga tupa at baka). Ang kasunduang ito ay may dalawang antas ng kahulugan. Wala sa mga tao o mga alagang hayop ng Ehipto ang maililigtas ni Jehovah; papatayin Niya ang lahat ng kanilang panganay na lalaki at panganay na mga tupa at baka. Kaya, sa maraming mga libro ng propesiya hinulaan na ang mga taga-Egipto ay matinding kakastiguhin bilang resulta ng kasunduan ni Jehova. Ito ang unang antas ng kahulugan. Pinatay ni Jehova ang mga panganay na lalaki ng Ehipto at ang lahat ng mga panganay na alagang hayop, at iniligtas Niya ang lahat ng mga Israelita, na nangangahulugang ang lahat ng mga tao sa lupain ng Israel ay itinangi ni Jehova, at ang lahat ay maliligtas; ninanais Niyang gumawa ng pang-matagalang gawain sa kanila, at itinatag ang kasunduan sa kanila gamit ang dugo ng tupa. Pasimula sa panahong iyon, hindi papatayin ni Jehova ang mga Israelita, at sinabi na sila ang Kanyang magpakailanman mga pinili. Sa gitna ng labing-dalawang angkan ng Israel, sisimulan Niya ang Kanyang gawain sa buong Kapanahunan ng Kautusan, bubuksan Niya ang lahat ng Kanyang mga batas sa mga Israelita, at pipili mula sa kanila ng mga propeta at mga hukom, at sila ang magiging sentro ng Kanyang gawain. Gumawa Siya ng isang kasunduan sa kanila: Malibang magbago ang kapanahunan, Siya ay gagawa lamang sa gitna ng mga pinili. Ang kasunduan ni Jehova ay hindi nababago, dahil ito ay isinakatuparan sa dugo, at itinatag sa pamamagitan ng Kanyang piniling bayan. Mas mahalaga, Siya ay pumili ng naaangkop na saklaw at target na dapat pagmulan ng Kanyang gawain para sa buong kapanahunan, at sa gayon nakita ng mga tao ang kasunduan bilang lalong mahalaga. Ito ang ikalawang antas ng kahulugan ng kasunduan. Maliban sa Genesis, na naroon na bago pa ang pagtatatag ng kasunduan, ang lahat ng iba pang mga libro sa Lumang Tipan ay nagtatala ng gawa sa gitna ng mga Israelita pagkatapos ng pagtatatag ng kasunduan. Siyempre, may mga paminsan-minsang salaysay ang mga Gentil, ngunit sa pangkalahatan, ang Lumang Tipan ay nagsasaad ng gawain ng Diyos sa Israel. Dahil sa kasunduan ni Jehova sa mga Israelita, ang mga aklat na isinulat sa Kapanahunan ng Kautusan ay tinawag na ang “Lumang Tipan.” Ang mga ito ay ipinangalan sa kasunduan ni Jehova sa mga Israelita.
mula sa “Tungkol sa Biblia (2)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
9. Ang Bagong Tipan ay ipinangalan sa pagdanak ng dugo ni Jesus sa krus at ang Kanyang kasunduan sa lahat ng mga naniniwala sa Kanya. Ang kasunduan ni Jesus ay ito: Ang mga tao ay dapat lamang maniwala sa Kanya upang ang kanilang mga kasalanan ay mapatawad sa pagdanak ng Kanyang dugo, at sa gayon ang mga ito ay maligtas, at isilang muli sa pamamagitan Niya, at hindi na magiging mga makasalanan; ang mga tao ay dapat lamang maniwala sa Kanya upang matanggap ang Kanyang biyaya, at hindi magdusa sa impiyerno pagkatapos nilang mamatay. Ang lahat ng mga aklat na isinulat sa Kapanahunan ng Biyaya ay dumating pagkatapos ng kasunduang ito, at lahat ng mga ito ay isinasaad ang gawain at mga pagbibigkas na nakapaloob dito. Ang mga ito ay hindi lalagpas sa pagliligtas ng pagpako sa krus ng Panginoong Jesus o sa kasunduan; itong lahat ay mga aklat na isinulat ng mga kapatid sa Panginoon na nagkaroon ng mga karanasan. Kaya, ang mga librong ito ay ipinangalan din sa isang kasunduan: Ang mga ito ay tinawag na ang “Bagong Tipan.” Ang dalawang tipan na ito ay sinasaklaw lamang ang Kapanahunan ng Biyaya at ang Kapanahunan ng Kautusan, at walang kaugnayan sa huling kapanahunan. Kaya, ang Biblia ay walang malaking gamit para sa mga tao ngayong mga huling araw. Masasabi lang, nagsisilbi ito bilang pansamantalang sanggunian, ngunit ito ay talagang walang gaanong halagang gamitin.
mula sa “Tungkol sa Biblia (2)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
10. Hindi lahat ng nasa Biblia ay isang talaan ng mga salitang personal na sinabi ng Diyos. Isinasaad lang ng Biblia ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, kung saan ang isang bahagi ay isang talaan ng mga hula ng mga propeta, at ang isang bahagi ay mga karanasan at kaalamang isinulat ng mga taong ginamit ng Diyos sa nagdaang mga panahon. Ang mga karanasan ng tao ay nabahiran ng mga opinyon at kaalaman ng tao, na hindi maiiwasan. Nasa marami sa mga aklat ng Biblia ang mga pagkaintindi ng tao, mga pagkiling ng tao, at mga kakatwang pakahulugan ng tao. Siyempre, karamihan ng mga salita ay resulta ng pagliliwanag at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at tama ang mga pakahulugang iyon—pero hindi pa rin masasabi na sila ay tamang-tama na mga pagpapahayag ng katotohanan. Ang kanilang mga pananaw tungkol sa ilang bagay ay walang iba kundi ang kaalamang nagmula sa personal na karanasan, o ang pagliliwanag ng Banal na Espiritu. Ang mga hula ng mga propeta ay personal na itinagubilin ng Diyos: Ang mga propesiya nina Isaias, Daniel, Ezra, Jeremias, at Ezekiel ay nagmula sa direktang tagubilin ng Banal na Espiritu, ang mga taong ito ay mga tagakita, natanggap nila ang Espiritu ng propesiya, lahat sila ay propeta ng Lumang Tipan. Noong Kapanahunan ng Kautusan ang mga taong ito, na nakatanggap ng inspirasyon ni Jehova, ay nagsalita ng maraming propesiya, na direktang itinagubilin ni Jehova. At bakit kumilos si Jehova sa kanila? Sapagkat ang bayan ng Israel ay ang piniling bayan ng Diyos: Kinailangang gawin ang gawain ng mga propeta sa gitna nila, at naging marapat sila na tumanggap ng gayong mga pahayag. Sa katunayan, hindi nila mismo naunawaan ang mga pahayag ng Diyos sa kanila. Sinabi ng Banal na Espiritu ang mga salitang iyon sa pamamagitan ng kanilang bibig upang maunawaan ng mga tao sa hinaharap ang mga bagay na iyon, at makita na ang mga iyon ay talagang gawa ng Espiritu ng Diyos, ng Banal na Espiritu, at hindi nagmula sa tao, at mabigyan sila ng pagpapatibay ng gawain ng Banal na Espiritu.
mula sa “Tungkol sa Biblia (3)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
11. Ngayon, naniniwala ang mga tao na ang Biblia ay Diyos, at na ang Diyos ay Biblia. Kaya naniniwala rin sila na lahat ng salita sa Biblia ay mga salita lamang na sinabi ng Diyos, at na lahat ng ito ay sinabi ng Diyos. Iniisip pa ng mga naniniwala sa Diyos na bagama’t lahat sa animnapu’t anim na aklat ng Luma at Bagong Tipan ay isinulat ng mga tao, lahat ng ito ay ibinigay sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos, at isang talaan ng mga pagbigkas ng Banal na Espiritu. Ito ang maling pakahulugan ng mga tao, at hindi ito lubos na naaayon sa mga totoong nangyari. Sa katunayan, maliban sa mga aklat ng propesiya, karamihan sa Lumang Tipan ay talaan ng kasaysayan. Ang ilan sa mga sulat sa Bagong Tipan ay nagmula sa mga karanasan ng mga tao, at ang ilan ay nagmula sa pagliliwanag ng Banal na Espiritu; ang mga sulat ni Pablo, halimbawa, ay nagmula sa gawain ng tao, resulta lahat ito ng pagliliwanag ng Banal na Espiritu, at isinulat para sa iglesia, mga salitang nagpapayo at naghihikayat sa mga kapatid sa mga iglesia. Hindi ito mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu—hindi makapagsasalita si Pablo sa ngalan ng Banal na Espiritu, at hindi siya isang propeta, at lalong hindi siya nakakita ng mga pangitain. Ang kanyang mga sulat ay isinulat para sa mga iglesia ng Efeso, Filadelfia, Galacia, at iba pang mga iglesia. Sa gayon, ang mga sulat ni Pablo sa Bagong Tipan ay mga isinulat ni Pablo para sa mga iglesia, at hindi mga inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ito mga direktang pagbigkas ng Banal na Espiritu. Mga salita lamang ito ng pagpapayo, pag-aliw, at paghihikayat na isinulat niya para sa mga iglesia habang ginagawa ang kanyang gawain. Kaya isang talaan din ito ng marami sa gawain ni Pablo sa panahong iyon. Isinulat ito para sa lahat ng kapatid sa Panginoon, at ginawa upang sundin ng mga kapatid sa lahat ng iglesia sa panahong iyon ang kanyang payo at maging tapat sila sa lahat ng pamamaraan ng Panginoong Jesus. Hindi sinabi ni Pablo sa anumang paraan na, mga iglesia man sila noong panahong iyon o sa hinaharap, lahat ay kailangang kumain at uminom ng mga bagay na nagmula sa kanya, ni hindi niya sinabi na ang kanyang mga salita ay nagmulang lahat sa Diyos. Ayon sa sitwasyon ng iglesia sa panahong iyon, kinausap lang niya ang mga kapatid, at pinayuhan sila, at binigyang-inspirasyon silang maniwala; at nangaral o nagpaalaala lang siya sa mga tao at pinayuhan sila. Ang kanyang mga salita ay batay sa kanyang sariling pasanin, at sinuportahan niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ginawa Niya ang gawain ng isang apostol ng mga iglesia noong panahong iyon, isa siyang manggagawa na ginamit ng Panginoong Jesus, at sa gayon ibinigay sa kanya ang responsabilidad sa mga iglesia, inatasan siyang isagawa ang gawain ng mga iglesia, kinailangan niyang malaman ang mga sitwasyon ng mga kapatid—at dahil dito, sumulat siya ng mga sulat para sa lahat ng kapatid na nasa Panginoon. Lahat ng sinabi niya na nakakapagpapatibay at positibo sa mga tao ay tama, pero hindi nito kinatawan ang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at hindi niya maaaring katawanin ang Diyos. Mapangahas na pag-unawa, at napakalaking kalapastangan sa Diyos, ang tratuhin ng mga tao ang mga talaan ng mga karanasan at mga sulat ng isang tao bilang mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesia! Totoo ’yan lalung-lalo na kapag nagmumula ito sa mga sulat ni Pablo para sa mga iglesia, sapagkat ang kanyang mga isinulat ay para sa mga kapatid batay sa mga kalagayan at sitwasyon ng bawat iglesia sa panahong iyon, at ginawa upang payuhan ang mga kapatid sa Panginoon, upang matanggap nila ang biyaya ng Panginoong Jesus. Ang kanyang mga sulat ay ginawa para pukawin ang mga kapatid noong panahong iyon. Masasabi na ito ang sarili niyang pasanin, at ang pasanin ding ibinigay sa kanya ng Banal na Espiritu; tutal naman, isa siyang apostol na namuno sa mga iglesia noong panahong iyon, na sumulat ng mga sulat para sa mga iglesia at pinayuhan sila—iyon ang kanyang responsibilidad. Ang kanyang pagkakakilanlan ay isa lang siyang naglilingkod na apostol, at isa lang siyang apostol na isinugo ng Diyos; hindi siya isang propeta, ni isang manghuhula. Kaya para sa kanya, ang sarili niyang gawain at ang buhay ng mga kapatid ang pinakamahalaga. Sa gayon, hindi siya makapagsasalita sa ngalan ng Banal na Espiritu. Ang kanyang mga salita ay hindi mga salita ng Banal na Espiritu, at lalong hindi masasabi na mga salita iyon ng Diyos, sapagkat si Pablo ay nilalang lamang ng Diyos, at tiyak na hindi ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi kapareho ng kay Jesus. Ang mga salita ni Jesus ang mga salita ng Banal na Espiritu, ito ang mga salita ng Diyos, sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay kapareho ng kay Cristo—ang Anak ng Diyos. Paano Siya makakapantay ni Pablo? Kung ituturing ng mga tao ang mga sulat o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at sinasamba ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang hindi maselan. Sa mas masakit na pananalita, hindi ba ito’y wala nang iba kundi paglapastangan sa Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paano yuyukod ang mga tao sa mga talaan ng kanyang mga sulat at ng mga salitang kanyang sinabi na para bang ang mga ito ay isang banal na aklat, o isang makalangit na aklat? Maaari bang mapagwalang-bahalang bigkasin ng tao ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? Kaya, ano ang masasabi mo—maaari bang hindi mabahiran ng sarili niyang mga ideya ang mga isinulat niya para sa mga iglesia? Paano hindi mababahiran ang mga ito ng mga ideya ng tao? Isinulat niya ang mga sulat para sa mga iglesia batay sa personal niyang mga karanasan at sa lawak ng kanyang sariling buhay. Halimbawa, may sulat si Pablo sa mga iglesia sa Galacia na may partikular na opinyon, at sumulat si Pedro ng kaiba, na may ibang pananaw. Alin dito ang nagmula sa Banal na Espiritu? Walang makapagsasabi nang tiyak. Sa gayon, masasabi lamang na pareho silang may pasanin para sa mga iglesia, ngunit ang kanilang mga sulat ay kumatawan sa kanilang katayuan, kinakatawan nito ang kanilang panustos at suporta para sa mga kapatid, at ang kanilang pasanin sa mga iglesia, at kinakatawan lamang nito ang gawain ng tao; hindi lubos na sa Banal na Espiritu ang mga ito. Kung sinasabi mo na ang kanyang mga sulat ay mga salita ng Banal na Espiritu, kakatwa ka, at nilalapastangan mo ang Diyos! Ang sulat ni Pablo at ang iba pang mga sulat sa Bagong Tipan ay katapat ng mga talambuhay ng kamakailang espirituwal na mga tao. Kapantay sila ng mga aklat ni Watchman Nee o ng mga karanasan ni Lawrence, at ng iba pa. Talagang hindi lang tinipon ang mga aklat ng kamakailang espirituwal na mga tao sa Bagong Tipan, pero ang diwa ng mga taong ito ay pareho: Sila ang mga taong ginamit ng Banal na Espiritu sa isang partikular na panahon, at hindi nila maaaring direktang katawanin ang Diyos.
mula sa “Tungkol sa Biblia (3)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
12. Ang Ebanghelyo ni Mateo sa Bagong Tipan ay itinatala ang talaangkanan ni Jesus. Sa pasimula, sinabi rito na si Jesus ay inapo ni Abraham, anak ni David, at anak ni Jose; pagkatapos ay sinabi rito na ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at ipinanganak ng isang birhen—na ibig sabihin ay hindi Siya anak ni Jose o inapo ni Abraham, na hindi Siya anak ni David. Gayunman, iginigiit ng talaangkanan na iugnay si Jesus kay Jose. Pagkatapos, sinimulang itala ng talaangkanan ang proseso kung paano isinilang si Jesus. Sabi rito, si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na Siya ay ipinanganak ng isang birhen, at hindi Siya anak ni Jose. Pero sa talaangkanan malinaw na nakasulat na si Jesus ay anak ni Jose, at dahil isinulat ang talaangkanan para kay Jesus, apatnapu’t dalawang henerasyon ang nakatala rito. Pagdating sa henerasyon ni Jose, dali-dali nitong sinabi na si Jose ang asawa ni Maria, mga salita na nilayong patunayan na si Jesus ay inapo ni Abraham. Hindi ba pagsalungat ito? Ang talaangkanan ay malinaw na isinasaad ang kanunu-nunuan ni Jose, malinaw na ito ang talaangkanan ni Jose, pero iginigiit ni Mateo na ito ang talaangkanan ni Jesus. Hindi ba nito ikinakaila ang katunayang ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu? Samakatwid, ang talaangkanan bang sinabi ni Mateo ay hindi ideya ng tao? Nakakatawa ito! Sa ganitong paraan, alam mo na ang aklat na ito ay hindi lubusang nagmula sa Banal na Espiritu. Marahil, may ilang tao na nag-aakala na may talaangkanan ang Diyos sa lupa, kaya itinalaga nila si Jesus bilang ika-apatnapu’t dalawang henerasyon ni Abraham. Talagang nakakatawa ’yan! Matapos dumating sa lupa, paano nagkaroon ng talaangkanan ang Diyos? Kung sinasabi mong may talaangkanan ang Diyos, hindi ba n’yo Siya inihahanay sa mga nilalang ng Diyos? Sapagka’t ang Diyos ay hindi nagmula sa lupa, Siya ang Panginoon ng sangnilikha, at bagama’t Siya ay may katawang-tao, hindi magkatulad ang diwa Niya at ng tao. Paano mo ihahanay ang Diyos na katulad ng uri ng nilalang ng Diyos? Si Abraham ay hindi maaaring kumatawan sa Diyos; siya ang pakay ng gawain ni Jehova nang panahong iyon, isa lamang siyang tapat na lingkod na sinang-ayunan ni Jehova, at isa siya sa bayan ng Israel. Paano siya magiging ninuno ni Jesus?
mula sa “Tungkol sa Biblia (3)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
13. Ang mga aklat ng ebanghelyo sa Bagong Tipan ay naitala dalawampu hanggang tatlumpung taon matapos ipako sa krus si Jesus. Dati-rati, Lumang Tipan lang ang binabasa ng mga tao ng Israel. Ibig sabihin, sa Kapanahunan ng Biyaya binasa ng mga tao ang Lumang Tipan. Lumitaw lamang ang Bagong Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya. Walang umiral na Bagong Tipan nang isagawa ni Jesus ang Kanyang gawain; itinala ito ng mga tao matapos Siyang mabuhay muli at umakyat sa langit. Noon lamang nagkaroon ng Apat na Ebanghelyo, kung saan karagdagan ang mga sulat nina Pablo at Pedro, gayundin ang Aklat ng Pahayag. Makalipas ang tatlong daang taon matapos umakyat si Jesus sa langit, nang tipunin ng sumunod na mga henerasyon ang kanilang mga talaan, at saka lamang nagkaroon ng Bagong Tipan. Nagkaroon lang ng Bagong Tipan nang makumpleto ang gawaing ito; wala ito dati. Natapos ng Diyos ang lahat ng gawaing iyon, nagawa ni apostol Pablo ang lahat ng gawaing iyon, at pagkatapos ay pinagsama ang mga sulat nina Pablo at Pedro, at ang pinakadakilang pangitaing itinala ni Juan sa isla ng Patmos ang inihuli, sapagkat ihinula nito ang gawain ng mga huling araw. Lahat ng ito ay isinaayos ng sumunod na mga henerasyon, at iba ito kaysa mga binigkas sa ngayon. Ang nakatala ngayon ay ayon sa mga hakbang ng gawain ng Diyos; ang pinagkakaabalahan ng mga tao ngayon ay ang gawaing personal na ginagawa ng Diyos, at ang mga salitang personal Niyang binigkas. Hindi mo kailangang makialam—ang mga salita, na direktang nagmula sa Espiritu, ay naisasaayos nang paisa-isang hakbang, at naiiba sa pagsasaayos ng mga talaan ng tao. Masasabi na ang kanilang itinala ay ayon sa antas ng kanilang pinag-aralan at kakayahan ng tao. Ang kanilang itinala ay mga karanasan ng mga tao, at bawat isa ay may sariling paraan ng pagtatala at pagkaalam, at bawat talaan ay naiiba. Kaya, kung sinasamba mo ang Biblia bilang Diyos napakamangmang at napakahangal mo! Bakit hindi mo hinahanap ang gawain ng Diyos sa ngayon? Ang gawain ng Diyos lamang ang makapagliligtas sa tao. Hindi maililigtas ng Biblia ang tao, hindi man lang ito nagbago nang ilang libong taon, at kung sasambahin mo ang Biblia hinding-hindi mo makakamtan ang gawain ng Banal na Espiritu.
mula sa “Tungkol sa Biblia (3)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
14. Maraming tao ang naniniwala na ang pag-unawa at makayang ipakahulugan ang Biblia ay tulad ng paghahanap ng totoong landas—ngunit sa katunayan, ganoon ba ka-simple ang mga bagay? Walang sinuman ang nakakaalam sa realidad ng Biblia: na ito’y walang iba kundi makasaysayang tala ng gawain ng Diyos, at isang testamento sa nakaraang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, at hindi nagbibigay sa iyo ng pag-unawa sa mga layunin ng gawain ng Diyos. Ang bawat isa na nakapagbasa ng Biblia ay alam na ito ay nagtatala ng dalawang yugto ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at ang Kapanahunan ng Biyaya. Ang Lumang Tipan ay nagsasalaysay sa kasaysayan ng Israel at ang gawain ni Jehova mula sa oras ng paglikha hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan. Ang Bagong Tipan ay nagtatala ng gawain ni Jesus sa lupa, na nasa Apat na Ebanghelyo, pati na rin ang gawain ni Pablo; hindi ba sila mga tala ng kasaysayan? Ang pagbanggit ngayon sa mga bagay na nakalipas ay ginagawa itong kasaysayan, at hindi mahalaga kung gaano katotoo o tunay ang mga ito, ang mga ito ay kasaysayan pa rin—at ang kasaysayan ay hindi maaaring makatugon sa kasalukuyan. Sapagka't ang Diyos ay hindi lumilingon sa kasaysayan! At kaya, kung iyo lamang nauunawaan ang Biblia, at walang naiintindihan sa gawain na nilalayong gawin ngayon ng Diyos, at kung naniniwala ka sa Diyos ngunit hindi hinahanap ang gawain ng Banal na Espiritu, sa gayon ay hindi mo nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng hanapin ang Diyos . Kung binabasa mo ang Biblia upang pag-aralan ang kasaysayan ng Israel, upang saliksikin ang kasaysayan ng paglikha ng Diyos sa lahat ng mga kalangitan at kalupaan, sa gayon ay hindi ka naniniwala sa Diyos. Ngunit ngayon, dahil naniniwala ka sa Diyos, at itinataguyod ang buhay, dahil itinataguyod mo ang kaalaman sa Diyos, at hindi itinataguyod ang mga walang-buhay na liham at doktrina, o ang pag-unawa ng kasaysayan, dapat mong hanapin ang kalooban ng Diyos ngayon, at dapat mong hanapin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang arkeologo maaari mong mabasa ang Biblia—ngunit ikaw ay hindi, ikaw ang isa sa mga taong naniniwala sa Diyos, at pinakamainam na dapat mong hanapin ang kalooban ng Diyos sa ngayon.
mula sa “Tungkol sa Biblia (4)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
15. Ang Biblia ay isang makasaysayang talaan ng gawain ng Diyos sa Israel, at itinatala ang marami sa mga panghuhula ng mga sinaunang propeta gayundin ang ilan sa mga pagbigkas ni Jehova sa Kanyang gawain sa panahong iyon. Kaya, tinitingnan ng lahat ng mga tao ang librong ito na banal (sapagka't ang Diyos ay banal at dakila). Syempre, ang lahat ng ito ay resulta sa kanilang paggalang kay Jehova at sa kanilang pagsamba sa Diyos. Ang mga tao ay sumasangguni lamang sa aklat na ito sa ganitong paraan dahil ang mga nilalang ng Diyos ay lubhang sumasamba sa kanilang Maylalang, at mayroon pa nga na mga taong tinatawag ang aklat na ito na isang makalangit na aklat. Sa katunayan, ito ay isa lamang tala ng tao. Ito ay hindi personal na pinangalanan ni Jehova, ni hindi rin personal na ginabayan ni Jehova ang paglikha nito. Sa ibang salita, ang may-akda ng aklat na ito ay hindi ang Diyos, kundi ang mga tao. Ang Banal na Biblia ay ang magalang na pamagat lamang na ibinigay dito ng tao. Ang pamagat na ito ay hindi pinagpasiyahan ni Jehova at ni Jesus matapos silang magtalakayan; ito ay isa lamang ideya ng tao. Sapagkat ang aklat na ito ay hindi sinulat ni Jehova, lalong hindi ni Jesus. Sa halip, ito ay ang mga salaysay ng maraming mga sinaunang propeta, mga apostol, at mga manghuhula, na tinipon ng mga sunod na henerasyon bilang isang libro ng sinaunang kasulatan na, para sa mga tao, tila lubhang banal, isang libro na sa tingin nila ay naglalaman ng maraming hindi maarok at malalim na misteryo na naghihintay matuklasan ng susunod na mga henerasyon. Dahil dito, ang mga tao ay naging mas lalong nakaayong maniwala na ang aklat na ito ay isang makalangit na aklat. Dahil sa karagdagan ng Apat na Ebanghelyo at ang Aklat ng Pahayag, ang mga saloobin ng tao hinggil dito ay partikular na naiiba mula sa anumang iba pang libro, at kaya walang sinumang naglalakas-loob na himay-himayin itong makalangit na aklat—dahil ito ay napakasagrado.
mula sa “Tungkol sa Biblia (4)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
16. Ngayon, hinihimay-himay Ko ang Biblia sa ganitong paraan at hindi ito nangangahulugan na kinasusuklaman Ko ito, o itinatanggi ang halaga nito para sa sanggunian. Ipinapaliwanag Ko ang mga likas na halaga at mga pinagmulan ng Biblia sa iyo upang pigilan ka sa pananatiling walang alam. Dahil ang mga tao ay napakaraming pananaw tungkol sa Biblia, at karamihan sa kanila ay mali; ang pagbabasa ng Biblia sa paraang ito ay hindi lamang humahadlang sa kanila mula sa pagkakaroon nang kung ano ang nararapat, ngunit, mas mahalaga, pinipigilan nito ang gawain na Aking nilalayong gawin. Ito ay isang napakalaking abala para sa mga gawain sa hinaharap, at nagbibigay lamang ng mga balakid, hindi kapakinabangan. Kaya, ang tinuturo Ko lamang sa iyo ay ang diwa at ang kuwentong napapaloob sa Biblia. Hindi Ko sinasabi na huwag mong basahin ang Biblia, o lumibot ka na ipinahahayag na ito ay lubusang walang halaga, kundi magkaroon ka ng wastong kaalaman at pananaw sa Biblia. Huwag maging masyadong nakatuon sa isang panig lang! Kahit na ang Biblia ay isang aklat ng kasaysayan na isinulat ng mga tao, itinatala rin nito ang karamihan ng mga prinsipyo na kung saan ang mga sinaunang santo at propeta ay naglingkod sa Diyos, gayundin ang mga kamakailang karanasan ng mga apostol sa paglilingkod sa Diyos—lahat ng mga ito ay talagang nakita at nalaman ng mga taong ito, at maaaring magsilbi bilang sanggunian para sa mga tao sa kapanahunang ito sa paghahanap ng totoong landas. Kaya, sa pagbabasa ng Biblia ang mga tao ay maaari ring makatamo ng maraming paraan sa buhay na hindi maaaring matagpuan sa iba pang mga libro. Ang mga paraan na ito ay ang mga daan sa buhay na gawain ng Banal na Espiritu na naranasan ng mga propeta at apostol sa mga nagdaang kapanahunan, at karamihan sa mga salita ay mahalaga, at maaaring magbigay ng mga pangangailangan ng tao. Kaya, ibig ng lahat na magbasa ng Biblia. Dahil sa napakarami ang nakatago sa Biblia, ang mga pananaw ng tao hinggil dito ay hindi tulad sa mga kasulatan ng dakilang espirituwal na mga tao. Ang Biblia ay isang talaan at koleksyon ng mga karanasan at kaalaman ng mga taong naglingkod kay Jehova at Jesus sa luma at bagong kapanahunan, at sa gayon ang mga sunod na henerasyon ay makayanang matamo ang maraming pagliliwanag, pagpapalinaw, at mga landas upang isagawa mula rito. Ang dahilan kung bakit ang Biblia ay mas mataas kaysa sa mga kasulatan ng sinumang dakilang espirituwal na tao ay sapagkat ang lahat ng kanilang mga kasulatan ay hinango mula sa Biblia, ang kanilang mga karanasan ay lahat nagmula sa Biblia, at lahat sila ay ipinapaliwanag ang Biblia. At sa gayon, bagaman ang mga tao ay maaaring makakuha ng panustos mula sa mga libro ng anumang dakilang espirituwal na tao, sinasamba pa rin nila ang Biblia, dahil ito ay tila sobrang mataas at malalim para sa kanila! Kahit na ang Biblia ay pinagsama-sama ang ilang mga aklat ng mga salita ng buhay, tulad ng mga liham nila Pablo at sulat ni Pedro, at bagaman ang mga tao ay maaaring matustusan at matulungan ng mga librong ito, gayunman hindi na napapanahon ang mga librong ito, ang mga ito ay nabibilang pa rin sa lumang kapanahunan, at kahit na gaano man sila kainam, ang mga ito ay angkop lamang para sa isang panahon, at hindi panghabang-panahon. Sapagka't ang gawain ng Diyos ay palaging umuunlad, at ito ay hindi maaaring basta na lang tumigil sa panahon nina Pablo at Pedro, o palagiang mananatili sa Kapanahunan ng Biyaya kung saan si Jesus ay ipinako sa krus. At kaya, ang mga librong ito ay angkop lamang para sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa Kapanahunan ng Kaharian ng mga huling araw. Ang mga ito ay maaari lamang maglaan para sa mga mananampalataya ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa mga banal ng Kapanahunan ng Kaharian, at hindi mahalaga kung gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay lipas pa rin. Ito ay pareho sa gawain ni Jehova ng paglikha o sa Kanyang gawain sa Israel: Hindi mahalaga kung gaano kahusay ang gawaing ito, ito pa rin ay wala na sa panahon, at ang oras ay darating pa rin kung kailan matatapos ito. Ang gawa ng Diyos ay pareho rin: Ito ay dakila, ngunit darating ang panahon na matatapos ito; hindi ito maaring palagiang manatili sa gitna ng gawain ng paglikha, ni hindi sa gitna ng pagpapako sa krus. Hindi mahalaga kung paano kapani-paniwala ang gawain ng pagpapako sa krus, hindi mahalaga kung gaano kabisa ito sa pagdaig kay Satanas, ang gawain ay, kung tutuusin, ay gawain pa rin, at ang kapanahunan, kung tutuusin, ay kapanahunan pa rin; ang gawain ay hindi maaaring palagiang manatili sa parehong pundasyon, ni ang mga panahon ay hindi magbabago kailanman, dahil mayroong paglikha at dapat mayroong mga huling araw. Ito ay tiyak na mangyayari! Kaya, ngayon ang mga salita ng buhay sa Bagong Tipan—ang mga liham ng mga apostol, at ang Apat na Ebanghelyo—ay naging makasaysayang mga libro, ang mga ito ay naging lumang almanak, at paanong dadalhin ng lumang almanak ang mga tao sa bagong kapanahunan? Hindi alintana gaano man ang kakayahan ng mga almanak na ito sa pagbibigay ng buhay sa mga tao, hindi alintana kung gaano man magagawa ng mga ito na akayin ang mga tao sa krus, hindi ba ang mga ito ay lipas na? Hindi ba nawalan na ang mga ito ng halaga? Kaya, sinasabi Ko na hindi ka dapat pikit-matang naniniwala sa mga almanak na ito. Ang mga ito ay napakaluma, hindi ka nito kayang dalhin sa bagong gawain, at maaaring pabigat lamang ang mga ito sa iyo. Hindi lamang sa hindi ka nito madadala sa bagong gawain, at sa bagong pagpasok, ngunit dinadala ka ng mga ito sa mga lumang relihiyosong simbahan—at kung gayon, hindi ka ba paurong sa paniniwala mo sa Diyos?
mula sa “Tungkol sa Biblia (4)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
17. Na maunawaan ang Biblia, na maunawaan ang kasaysayan, ngunit hindi maunawaan kung ano ang ginagawa ng Banal na Espiritu ngayon—iyon ay mali! Nakagawa ka ng napakahusay na pag-aaral ng kasaysayan, nakagawa ka ng isang napakagaling na trabaho, ngunit wala kayong nauunawaan sa gawain na ginagawa ng Banal na Espiritu ngayon. Hindi ba ito ay kahangalan? Ang ibang mga tao ay nagtatanong sa iyo: Ano ang ginagawa ng Diyos ngayon? Ano ang dapat mong pasukin sa araw na ito? Kumusta na ang iyong pagtaguyod sa buhay? Naiintindihan mo ba ang kalooban ng Diyos?” Wala kang magiging tugon sa kanilang mga katanungan—kaya ano ang alam mo? Sasabihin mo: Batid ko lang na dapat akong tumalikod sa laman at kilalanin ang aking sarili. At kapag sila ay magtatanong pagkatapos “Ano pa ang iba mong batid?” sasabihin mo na alam mo rin kung paano ang pagsunod sa lahat ng mga pagsasaayos ng Diyos, at nauunawaan nang kaunti ang kasaysayan ng Biblia, at iyon lang. Iyon lamang ba ang lahat na inyong nakamit sa paniniwala sa Diyos sa buong panahong ito? Kung iyon lamang ang lahat na nauunawaan mo, kung gayon napakalaki ng iyong kakulangan.
mula sa “Tungkol sa Biblia (4)”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao