Napakarami Akong gustong sabihin sa tao, napakaraming mga bagay na kailangan Kong sabihin sa kanya. Nguni’t ang mga kakayahan ng tao sa pagtanggap ay kulang na kulang: Hindi niya kayang arukin nang lubos ang Aking mga salita ayon sa Aking ipinagkakaloob, at isang aspeto lamang ang kanyang nauunawaan nguni’t nananatiling mangmang sa iba. Gayunpaman hindi Ko pinarurusahan ang tao ng kamatayan dahil sa kawalan niya ng kapangyarihan, ni hindi Ako naagrabyado ng kanyang kahinaan. Ginagawa Ko lamang ang Aking trabaho, at nagsasalita gaya ng lagi Kong ginagawa, kahit na hindi nauunawaan ng tao ang Aking kalooban; kapag dumating na ang araw, makikilala Ako ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at maaalala nila Ako sa kanilang mga isipan. Kapag umalis na Ako sa mundong ito, eksaktong aakyat Ako sa trono sa puso ng tao, ibig sabihin, ito ang panahon na makikilala Ako ng lahat ng mga tao. Kaya, ito rin, ang panahon kung kailan ang Aking mga anak na lalaki at bayan ang mamamahala sa buong mundo. Yaong mga nakakakilala sa Akin ay tiyak na magiging mga haligi ng Aking kaharian, at walang iba kundi sila ang magiging kwalipikado upang mamahala at gumamit ng kapangyarihan sa Aking kaharian. Ang lahat ng nakakakilala sa Akin ay mayroon ngang pagiging Ako, at nagagawang isabuhay Ako sa gitna ng lahat ng mga tao. Hindi Ko tinitingnan kung hanggang saan Ako nakikilala ng tao: Walang makahahadlang sa Aking gawain sa anumang paraan, at walang maitutulong sa Akin ang tao at walang magagawa para sa Akin. Masusundan lamang ng tao ang Aking paggabay sa Aking liwanag, at mahahanap ang Aking kalooban sa liwanag na ito. Sa araw na ito, naging kwalipikado ang mga tao, at naniniwalang kaya nilang magmayabang sa Aking harapan, at makitawa at makipagbiruan sa Akin nang wala man lamang kahit kaunting pangingimi, at pakitunguhan Ako bilang kapantay lamang. Hindi pa rin Ako kilala ng tao, naniniwala pa rin siyang halos pareho lamang kami sa diwa, na pareho kaming may laman at dugo, at parehong naninirahan sa mundo ng mga tao. Ang kanyang paggalang sa Akin ay masyadong kakaunti; iginagalang niya Ako kapag kaharap niya Ako, nguni’t walang kakayahang maglingkod sa Akin sa harap ng Espiritu. Ito ay tila, para sa tao, ang Espiritu ay hindi umiiral kailanman. Bilang resulta, walang taong nakakilala sa Espiritu; sa Aking pagkakatawang-tao, ang nakikita lamang ng mga tao ay isang laman at dugo, at hindi nararamdaman ang Espiritu ng Diyos. Maaari kayang tunay na matupad ang Aking kalooban sa ganitong paraan? Ang mga tao ay mga eksperto sa pandaraya sa Akin; parang sadya silang tinuruan ni Satanas upang lokohin Ako. Nguni’t hindi Ako naliligalig ni Satanas. Gagamitin Ko pa rin ang Aking karunungan para lupigin ang buong sangkatauhan at talunin ang nagpapatiwali ng buong sangkatauhan, upang sa gayon ay maitatag ang Aking kaharian dito sa lupa.